Hay.. Mahal ko na ata si Bebang. Ewan ko nga ba. Basta madali akong ma-inlove lalo na't masarap kausap ang isang babae. Yun tipo bang lahat ng kababawan at kalaliman ng buhay ay pede ninyong pag-usapan. Inaamin kong mahilig ako sa maganda, pero iba talaga siya. Pag kausap ko kasi siya, pede akong maging ako lang.
Sinulat ko ang pangalan namin sa hangin.
"Bentong love Bebang!"
Mabantot sa una, pero pagtagal-tagal e kinikilig na ako. Napasandal pa nga ako sa dibdib ni Manong habang nagpupumilipit sa kilig. Si Manong naman ngumisi lang at kinindatan ako, kaya bago pa magka-brokebakan eh bumaba na ako ng jeep at kumaripas ng takbo palayo.
Alas siyete ng umaga ng dumating ako sa aming tagpuan. Tinext ko agad siya na andun na ako. Since maaga pa naman naglibot libot muna ako para matanggal ang kaba ko. Bawat makita kong sasakyan e sinisipat ko ang sarili ko. Tinitignan kung ayos pa ba ang porma ko, presentable at gwapo. Makalipas ang labinlimang minuto e bumalik ulit ako sa aming tagpuan. Wala pa din siya.
Since malapit lang ang simbahan, pinasok ko na rin para makakatay ako ng oras. Nagdasal kahit di naman ako ganon ka relihiyoso. Inikot ang simbahan at pinagmasdan ang Station of the Cross. Lumabas at nagpasyang sa tagpuan na lang namin mag-antay.
"I don't wanna wait in vain for your love,
I don't wanna wait in vain for your love,
Cause summer is here, I'm still waiting here...
Winter is here, I'm still waiting here..."- ang kantang paulit-ulit kong kinanta makalipas ang isang oras na pag-iintay kay Bebang. Pakiramdam ko nga e tinubuan na ako ng ugat. Sa mga puntong ito naging conscious ako sa sarili. Pakiramdam ko kasi maya maya na lang dadating na si Bebang. Ayaw ko ding may makakita saking kakilala ko dahil tyak mag-uusisa sila dahil alam naman nilang wala akong gf. Gusto ko kasi discreet lang, kasi hindi naman ako celebrity para pag-usapan.
Makalipas ang humigit kumulang dalawang oras, natanaw ko na si Bebang. Napangiti ako sa tuwa at pinagpawisan ng malagkit sa kaba. Para akong si Momonja tuwing nakikita si Mojarie. Nagkaron muna ng dull moment bago na-cure ang petrification ko.
"Kanina ka pa? Sorry ah!"
"Ok lang. Di naman ako nag-antay ng ganon katagal, mga 2 oras mahigit lang naman." ang sinagot ko habang nakangisi.
"Sorry talaga ah. Nag-antay ka tuloy ng sobra. Babawi na lang ako sa susunod."
"Ano ka ba? Okey lang po yun noh. Mas okey na maghintay po kaming lalake kesa sa inyo, kasi ang babae po dapat di pinag-aantay."
"Ganon ba yun?"
"Opo. Responsibilidad po kasi naming i-make sure na safe yung lugar bago pa kayo dumating. Kasi para sa akin, ang babae ay dapat inaalagaan. Isipin mo na lang kung magkikita tayo pag gabi tapos sa di mataong lugar. Eh di nakakatakot kung ikaw po ang mauuna at mag-aantay?"
Napangiti siya sa sagot kong yon. Ayos! Kahit papano maganda naman ang adlib ko. Sinamahan ko nga lang ng konting bola pero may sinseridad.
"So tayo na?"
"Tara."
Naglakad na kami papunta ng iskul. Kung tutuusin nagkita lang kami para magkasabay kaming pumasok. So bago pa matapos ang maiksing pagsasamang ito, nilubos lubos ko na. Nagkwentuhan ulit kami at nagkulitan na din.
"Pede ko bang hawakan ang kamay mo?" tanong ko sa kanya.
"Bakit naman? "tanong niya.
"Hmm.. Aalalayan lang kita. Pangit naman kasi kung parang hawak matanda ang gagawin ko. Saka napansin ko kasing di mo suot ung salamin mo ngayon, baka hirap ka makakita." sagot ko.
"Ahh... Ganon ba?...Hmm (nag-isip). Sige." - sagot niya sa sagot ko sa tanong niya.
" Pansin ko mas maganda ka pala pag wala kang salamin." sabi ko sa kanya na may halong bola.
" Ikaw, di porket bilog ka e madali mo akong mabobola. Nek nek mo. Wala akong pera." sagot niya sa pambobola ko.
"Hindi ko naman kailangan bolahin ka e. Sinasabi ko lang naman yung totoo. Kung ayaw mong maniwala, take it as a compliment na lang." sagot kong walang halong pambobola.
Tumahimik lang siya. Triny kong umutot para mabasag ang katahimikan, ngunit sadyang maingay ang mga taong nakapaligid sa amin. Nabasag lang ito ng magkatinginan kaming dalawa at nauwi sa pagtawa.
"Bat ka tumatawa? May nakakatawa ba sa mukha ko?"
"Wala naman. Tumawa ka kasi kaya natawa din ako."
"Ay adik?"
"Mas adik ka!"
"Talagang adik ako. Sayo!"
Katahimikan ulit.
Ito ang isa sa pinakamasayang paglalakad na naranasan ko. Masarap pa lang maglakad ng may kasama. Mababaw lang pero para sakin makabuluhan. Kasi siya ang kasama ko. Malapit na kami sa iskul. Natatanaw ko na nga ung gate. Pagdating don may napansin akong mga babae, mga nag-aantay din. Naisip ko na lang buti di ko yun ginawa ke Bebang
-itutuloy-