Pages

Wednesday, September 15, 2010

Kwentong Sabog (Kab.2)

Kab. 1  Kab. 3 Kab. 4

Makalipas ang ilang minuto, nag-iba na ang eksena. Masayang nagtatawanan ang dalawa, kung anong dahilan ay hindi mawari. Wala namang nadagdag sa kanila maliban sa usok na bumabalot sa paligid.

"Ano sabog ka na no? Langya, di ka na mapakali diyan eh.", tanong ni Wilfredo sa kaibigan.

"Sabog ka diyan? Baka ikaw? Tignan mo nga sa salamin yang mata mo oh. Konti na lang mukha nang kalampaging sasakyan."

"Kalampaging sasakyan ka diyan?"

"Oo, konti na lang titirik na.", pang-aasar ni Diego sa kaibigan.

"Ulol! Ang yabang ng dating mo kanina,tapos yun pala katiting lang dala mo. Kumbaga sa ulam hindi man lang ako natinga eh. Tapos sasabihan mo ako ng sabog?"

"Mabuti na yan kesa wala noh. At least kahit papaano meron."

Natahimik si Wilfredo sa nasabi ng kaibigan. Ipinasyal niya ang paningin niya sa loob ng kanyang tahanan. Ilang minuto na lang magdidilim na. Ipinako niya ang paningin sa agiw na nakasabit sa kisame upang maialis sa isip niya pagtatakam pa sa naging dala ni Diego.

"Wala na ba talaga?"

"Ubos na.", habang pinapakita ang laman ng kanyang bulsa.

"Hanggang kelan kaya tayo ganito Diego?", pag-iisip isip at usisa ni Wilfredo sa kaibigan.

"Malay ko. Bakit nagsasawa ka na ba?", ang tanong na sagot niya sa kaibigan.

"Ewan ko. Hindi ko alam eh."

"Habang di mo pa alam ang sagot, eh di enjoyin mo na lang. Ang iniisip ko ngayon, masarap kaya yung cocaine?"

"Malamang. Pag mahal, eh di masarap."

"Mahal ka diyan? Kung makapagsalita ka parang nakabili ka na ah."

"Hindi pa. Pero pagkakatanda ko tawag sa shabu "Poor Man's Cocaine". Kumbaga sa tagalog, cocaine ni Diegong mahirap! Hahahaha!"

Lumapit si Wilfredo sa kaibigan. Iniayos ang suot na damit na animoy nakasuot ng Amerikana.

"Yan ang natutunan ko sa pagpasok sa eskwela. Palibhasa kasi puro ka singhot ng solvent. Buti pa ako nakapag-aral.", pagyayabang ni Wilfredo sa kaibigan.

"Pakyu! Kung makapagsalita ka kala mo ang linis linis mo ah.", asar na sagot ni Diego sa kaibigan.

"Syempre, clean living yata ito. Ikaw lang naman B.I. sakin eh.", mayabang na pagsisinungaling niya sa kaibigan.

Alam niyang hindi ito kinagat ng kaibigan. Kitang kita naman ito sa reaksyon at pabirong pagsapak nito sa kanya. Malinaw pa sa isipan niya na animo'y kahapon lang nangyari. Highschool pa lang siya non. Tandang tanda pa niya ang kulay at amoy ng unang gamot na inabuso niya. Sa sobrang pagkaadik niya sa strawberry ay nilaklak niya ng buo ang isang bote ng cough syrup na gamot ng nakababata niyang kapatid sa kanyang ubo. Hindi niya makalimutan ang eksenang pinalo ng kanilang ina ang kanyang kapatid sa pag-aakalang siya ang umubos nito. Unang beses na nasundan pa ng makailang ulit.

"Pero hindi nga pare, seryoso." seryosong pagsasalita ni Diego. "Mahal ba talaga yun?", habang nag-iisip ng malalim.

"Oo nga. Tignan mo na lang sa balita- May Congressman, o di kaya celebrity. May nahuli sa Hongkong meron din sa Guam. 'Yung nahuli nga nito lang nakapagpiyansa agad eh. Nagbayad lang ng mahigit anim na milyong piso ata un.", sagot ni Wilfredo sa usisa ng kaibigan. "Saka mukhang sa ibang bansa sila bumibili eh. Dollars un 'pre!", dagdag pa niya.

"Ganon ba? Kahit magkano yan! Pwede namang pag-ipunan.", mayabang na sambit ni Diego sa kaibigan. "Tingin mo ba madadala ako niyan sa langit?", tanong niya ke Wilfredo habang nakataas ang kamay na animo'y may gustong hablutin sa hangin.

"Sa sobrang sarap, diretso ka sa impyerno! Pero sama mo ako sa pangarap mo ah!, sabi ni Wilfredo habang naka-akbay sa kaibigan.

"Oo naman. Pwede bang lumakad si Batman kung wala si BatMobile?"

No comments:

Powered By Blogger

Nuffnang