Hindi naman ako kriminal pero kelangan kong magsuot nang ganito sa sitwasyon na ito. Sa mga puntong ito kasi kritikal at kailangang mabura ang aking pagkatao. Kailangang mapaniwala ko silang ako itong nakikita nila, totoo at hindi si Peter na isang ordinaryong tao, isang ordinaryong manggagawa.
Una kong sinuot ang sa katawan. Agad nakumpirma ang sabi-sabi na mainit siya kapag isinuot. Huli ang maskara na tulong-tulong na ikinabit sa akin ng aking mga kasama dahil sa kalakihan at kabigatan nito. Sa suma tutal mabigat siya at napakainit. Mabuti na lang at may kalakihan ang aking katawan at hindi ako nahirapang kumilos.
"Peter, alam mo na ang gagawin mo ah?", tanong sa akin ng manager namin. "Basta dapat bibo ka at masigla. Sundin mo na lang kung anu-ano yung ipauutos ni Diana, ok?".
Buhay pa naman ako pero bakit parang maaga sa aking pinaparanas ang impyerno. Hindi na ako nagreklamo dahil parte naman ito ng trabaho ko at kahit papaano'y may dagdag na bayad naman ito sa suweldo ko. Lumabas ako ng pinto pagkatapos akong ipakilala ni Diana sa mga tao.
"Mga bata eto na si ********!", ang sabi ni Diana sa mga bata.
Hiyawan at tili ang sumalubong sa paglabas ko. Lahat nagsilapit. Lahat natuwa nung makita ako. Lahat gusto akong mahawakan o di kaya'y makurot man lang. Lumabas ang pagiging bata ng matatanda. Lahat gustong magpa-picture kasama ako. Siguro ganito kasaya at kasarap maging artista.
Mayroong malaking tarpaulin- HAPPY 4th BIRTHDAY PEARL! ang nakalagay dito kasama ang mga larawan ng birthday celebrant. Dali-dali kong tinungo si Pearl upang aliwin siya. Sa puntong iyon ko rin napansin kung sino ang kanyang kasama.
Si Carla- ang unang babaeng minahal ko. Pinaglayo kami dahil masyado pa raw kaming bata para pumasok sa ganoong relasyon. Hindi ko akalaing makalipas ang mahigit apat na taon ay makikita ko siyang may anak na. Sinubukan kong hanapin ang napangasawa niya sa kumpol ng madaming tao pero nabigo ako.
Binuhat ko si Pearl habang kinakantahan siya ng birthday song. May kung anong kuryente ang dumapo sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero napayakap ako sa kanya't pumatak ang luha sa aking mga mata. Napalitan ng langit ang impyernong kinalalagyan ko. Sa mga puntong iyon mas hiniling kong maging maskot na lang kesa sa ako. Mas mapapaligaya ko kasi siya sa ganitong paraan.
No comments:
Post a Comment