Pages

Tuesday, September 21, 2010

Unchanging (1)

Alas singko ng hapon. Halos lahat ng makasalubong sa daan ni Dennis ay papauwi na, samantalang siya papasok pa lang ng trabaho. Posturang postura habang nilalakad ang daan patungo sa terminal ng jeep. Long sleeve na polo, itim na slacks at itim na sapatos na patusok ang dulo, samahan mo pa ng kurbatang animo'y nakapulupot sa leeg. Kulang na lang- Bibliya o di kaya'y Encyclopedia at ayos na ang porma.

Bilang isang call center agent, nakasanayan na niya ang bagong mundong ginagalawan niya. Ang mundong kung saan ang araw ay ang gabi, at ang gabi naman ay ang sa araw. Sumakay siya ng jeep at pumewesto sa bandang likod ng driver upang makanakaw ng idlip sa byahe. Tyempo namang sumakay ang dalawang kolehiyala na walang ampat na nagkwentuhan sa tabi niya. Inaliw na lang niya ang sarili sa simpleng pakikinig sa dalawa habang nag-aantay ng mga pasahero ang jeep. Lalake, pag-ibig, quiz sa Trigonometry, kinaiinisan nilang malanding kaklase, lalake, pag-ibig at kinaiinisan nilang malanding kaklase ulit, na nagpaulit-ulit pa. Matapos mapakinggan ng pangalawang ulit, nagsawa na agad ang tenga ni Dennis. Pangatlo, pang-apat, nakabisado na niya ang buong istorya. Pati tuloy siya, nahirapan ng maka-get over sa narinig.

Maya-maya'y may sumakay na isang dalaga. Lahat ng pasahero napatingin sa ganda nito. Si Dennis naman napangiti lang sa kanyang puwesto. Pumewesto ito sa tapat niya. Unti-unti ang ngiti ay napalitan ng kaba. Naglalaro sa isip niya kung anong sasabihin sa dalaga. Nagkatinginan silang dalawa. Natulala si Dennis at nagmistulang bato sa kaba.

"Uy, ikaw pala yan. Kamusta na?", tanong kay Dennis ng dalaga.

********************

Umiiyak ang bata. Pinapalibutan siya ng mga kalaro nito at inaaway, tinutukso. Lumapit naman ang isang batang lalake at pinagtanggol ang batang api. Matapos magapi ang mga kaaway ay pinatahan ng batang si Dennis ang batang kawawa.

"Wala na sila kaya tumahan ka na.", ang sabi ni Dennis sa batang babae.

Pinunasan ng bata ang kanyang mga mata, pati na rin ang numerong onse na tumutulo sa ilong nito. Tumayo mula sa pagkakaupo sa sahig habang patuloy pa din ang paghikbi.

"Huwag kang mag-alala, wala na sila. Wala nang aaway sa'yo", pangungumbinsi ni Dennis sa batang sipunin. "Ako nga pala si Dennis. Ikaw, anong pangalan mo?", ang tanong ni Dennis habang tinutulungang magpagpag ng dumi ang batang iyakin.

"Ako si Clarisse.", sagot ng batang sipunin.

"Clarisse? Ako naman si Dennis", pagpapakilala ni Dennis sa batang si Clarisse. "Mula ngayon ako na ang tagapagtanggol mo, kaya wag ka nang iiyak ah. Hangga't nandito ako, walang aaway sa'yo."

Ngumiti naman ang batang si Clarisse sa narinig. Kitang kita ang kasiyahan sa mga mata nito at sa makinang na ngiti kahit kulang kulang ang ngipin. Ginantihan naman ito ni Dennis ng matamis din niyang ngiti. Sabay pakita ang tigdalawang ngipin nito sa itaas at baba ng gilagid.

********************

"Ok naman ako. Ikaw?", ang tanong ni Dennis sa dalaga.

"Ok din naman. Papasok ka pa lang?", tanong ni Clarisse sa kanya.

"Yup. Ganito talaga eh. Ikaw ba?", ang tanong naman niya.

"Hindi, dadaan lang ako ng SM kasi may bibilhin ako.", ang sagot ni Clarisse sa tanong nito. "Bayad ka na ba?"

Dun lang naisip ni Dennis na hindi pa pala siya bayad. Umiling siya't agad kinuha ang wallet upang makapagbayad.

"Ako na. Ma bayad po.", sabay abot ng singkwenta pesos sa driver. "Dalawa po iyan. San ka nga pala bababa?"

"Sa SM din.", nahihiyang sagot ni Dennis sa dalaga. Lalo tuloy siyang namutla at nanliit sa kinauupuan niya dahil sa hiya. "Salamat ah. Bawi na lang ako sa susunod."

"Sus, wala yun noh. Para ka namang iba niyan eh.", ang natatawang sagot ni Clarisse. "Miss, pwedeng pausog?", sabay lipat sa tabi ni Dennis ng dalaga. Kitang-kita sa mukha nito ang pagkatuwa sa muli nilang pagkikita.

Itutuloy...

Wednesday, September 15, 2010

Kwentong Sabog (Kab.2)

Kab. 1  Kab. 3 Kab. 4

Makalipas ang ilang minuto, nag-iba na ang eksena. Masayang nagtatawanan ang dalawa, kung anong dahilan ay hindi mawari. Wala namang nadagdag sa kanila maliban sa usok na bumabalot sa paligid.

"Ano sabog ka na no? Langya, di ka na mapakali diyan eh.", tanong ni Wilfredo sa kaibigan.

"Sabog ka diyan? Baka ikaw? Tignan mo nga sa salamin yang mata mo oh. Konti na lang mukha nang kalampaging sasakyan."

"Kalampaging sasakyan ka diyan?"

"Oo, konti na lang titirik na.", pang-aasar ni Diego sa kaibigan.

"Ulol! Ang yabang ng dating mo kanina,tapos yun pala katiting lang dala mo. Kumbaga sa ulam hindi man lang ako natinga eh. Tapos sasabihan mo ako ng sabog?"

"Mabuti na yan kesa wala noh. At least kahit papaano meron."

Natahimik si Wilfredo sa nasabi ng kaibigan. Ipinasyal niya ang paningin niya sa loob ng kanyang tahanan. Ilang minuto na lang magdidilim na. Ipinako niya ang paningin sa agiw na nakasabit sa kisame upang maialis sa isip niya pagtatakam pa sa naging dala ni Diego.

"Wala na ba talaga?"

"Ubos na.", habang pinapakita ang laman ng kanyang bulsa.

"Hanggang kelan kaya tayo ganito Diego?", pag-iisip isip at usisa ni Wilfredo sa kaibigan.

"Malay ko. Bakit nagsasawa ka na ba?", ang tanong na sagot niya sa kaibigan.

"Ewan ko. Hindi ko alam eh."

"Habang di mo pa alam ang sagot, eh di enjoyin mo na lang. Ang iniisip ko ngayon, masarap kaya yung cocaine?"

"Malamang. Pag mahal, eh di masarap."

"Mahal ka diyan? Kung makapagsalita ka parang nakabili ka na ah."

"Hindi pa. Pero pagkakatanda ko tawag sa shabu "Poor Man's Cocaine". Kumbaga sa tagalog, cocaine ni Diegong mahirap! Hahahaha!"

Lumapit si Wilfredo sa kaibigan. Iniayos ang suot na damit na animoy nakasuot ng Amerikana.

"Yan ang natutunan ko sa pagpasok sa eskwela. Palibhasa kasi puro ka singhot ng solvent. Buti pa ako nakapag-aral.", pagyayabang ni Wilfredo sa kaibigan.

"Pakyu! Kung makapagsalita ka kala mo ang linis linis mo ah.", asar na sagot ni Diego sa kaibigan.

"Syempre, clean living yata ito. Ikaw lang naman B.I. sakin eh.", mayabang na pagsisinungaling niya sa kaibigan.

Alam niyang hindi ito kinagat ng kaibigan. Kitang kita naman ito sa reaksyon at pabirong pagsapak nito sa kanya. Malinaw pa sa isipan niya na animo'y kahapon lang nangyari. Highschool pa lang siya non. Tandang tanda pa niya ang kulay at amoy ng unang gamot na inabuso niya. Sa sobrang pagkaadik niya sa strawberry ay nilaklak niya ng buo ang isang bote ng cough syrup na gamot ng nakababata niyang kapatid sa kanyang ubo. Hindi niya makalimutan ang eksenang pinalo ng kanilang ina ang kanyang kapatid sa pag-aakalang siya ang umubos nito. Unang beses na nasundan pa ng makailang ulit.

"Pero hindi nga pare, seryoso." seryosong pagsasalita ni Diego. "Mahal ba talaga yun?", habang nag-iisip ng malalim.

"Oo nga. Tignan mo na lang sa balita- May Congressman, o di kaya celebrity. May nahuli sa Hongkong meron din sa Guam. 'Yung nahuli nga nito lang nakapagpiyansa agad eh. Nagbayad lang ng mahigit anim na milyong piso ata un.", sagot ni Wilfredo sa usisa ng kaibigan. "Saka mukhang sa ibang bansa sila bumibili eh. Dollars un 'pre!", dagdag pa niya.

"Ganon ba? Kahit magkano yan! Pwede namang pag-ipunan.", mayabang na sambit ni Diego sa kaibigan. "Tingin mo ba madadala ako niyan sa langit?", tanong niya ke Wilfredo habang nakataas ang kamay na animo'y may gustong hablutin sa hangin.

"Sa sobrang sarap, diretso ka sa impyerno! Pero sama mo ako sa pangarap mo ah!, sabi ni Wilfredo habang naka-akbay sa kaibigan.

"Oo naman. Pwede bang lumakad si Batman kung wala si BatMobile?"

Tuesday, September 7, 2010

Lifesize Maskara

Hindi naman ako kriminal pero kelangan kong magsuot nang ganito sa sitwasyon na ito. Sa mga puntong ito kasi kritikal at kailangang mabura ang aking pagkatao. Kailangang mapaniwala ko silang ako itong nakikita nila, totoo at hindi si Peter na isang ordinaryong tao, isang ordinaryong manggagawa.

Una kong sinuot ang sa katawan. Agad nakumpirma ang sabi-sabi na mainit siya kapag isinuot. Huli ang maskara na tulong-tulong na ikinabit sa akin ng aking mga kasama dahil sa kalakihan at kabigatan nito. Sa suma tutal mabigat siya at napakainit. Mabuti na lang at may kalakihan ang aking katawan at hindi ako nahirapang kumilos.

"Peter, alam mo na ang gagawin mo ah?", tanong sa akin ng manager namin. "Basta dapat bibo ka at masigla. Sundin mo na lang kung anu-ano yung ipauutos ni Diana, ok?".

Buhay pa naman ako pero bakit parang maaga sa aking pinaparanas ang impyerno. Hindi na ako nagreklamo dahil parte naman ito ng trabaho ko at kahit papaano'y may dagdag na bayad naman ito sa suweldo ko. Lumabas ako ng pinto pagkatapos akong ipakilala ni Diana sa mga tao.

"Mga bata eto na si ********!", ang sabi ni Diana sa mga bata.

Hiyawan at tili ang sumalubong sa paglabas ko. Lahat nagsilapit. Lahat natuwa nung makita ako. Lahat gusto akong mahawakan o di kaya'y makurot man lang. Lumabas ang pagiging bata ng matatanda. Lahat gustong magpa-picture kasama ako. Siguro ganito kasaya at kasarap maging artista.

Mayroong malaking tarpaulin- HAPPY 4th BIRTHDAY PEARL! ang nakalagay dito kasama ang mga larawan ng birthday celebrant. Dali-dali kong tinungo si Pearl upang aliwin siya. Sa puntong iyon ko rin napansin kung sino ang kanyang kasama.

Si Carla- ang unang babaeng minahal ko. Pinaglayo kami dahil masyado pa raw kaming bata para pumasok sa ganoong relasyon. Hindi ko akalaing makalipas ang mahigit apat na taon ay makikita ko siyang may anak na. Sinubukan kong hanapin ang napangasawa niya sa kumpol ng madaming tao pero nabigo ako.

Binuhat ko si Pearl habang kinakantahan siya ng birthday song. May kung anong kuryente ang dumapo sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero napayakap ako sa kanya't pumatak ang luha sa aking mga mata. Napalitan ng langit ang impyernong kinalalagyan ko. Sa mga puntong iyon mas hiniling kong maging maskot na lang kesa sa ako. Mas mapapaligaya ko kasi siya sa ganitong paraan.
Powered By Blogger

Nuffnang