Pages

Sunday, July 18, 2010

Panawagan ng isang Tenga at Utak...

"Tangina! Bat di kasi ako nakinig?"

Ang mga salitang nasambit ng isang estudyante matapos ma-zero sa isang pagsusulit.

Ang mga salita ding nasambit ng isang dalagita matapos pumasa at makakuha ng 100% sa isang pregnancy test.

Ang mga kataga ding nasambit ng isang magulang matapos makitang nakabigti ang anak matapos nilang magtalo at di pakinggan ang huli.

Ang mga kataga ding nasambit ng isang mister matapos iwanan ng asawa dahil sa madalas niyang pangingibabaw sa tuwing sila'y nagtatalo.

Ang mga kataga ding nasambit ng isang motorista matapos magyabang at mabaril ng isang nakagitgitan sa kalsada.

Ang mga kataga ding nasambit ng isa pang motorista matapos mahimas-masan matapos magyabang at uminit ang ulo't barilin ang isang nakagitgitan sa kalsada.

Ang mga kataga ding nasambit ng ilang terorista matapos matigil ang peace talks at magdeklara ng gyera ang gobyerno laban sa kanila.

Ang mga kataga ding nasambit ng ilang pulitiko matapos umayaw sa peace talks ang mga terorista at igiit ang gusto lang nila.

Ang mga kataga ding nasambit ng ilang pulitiko matapos magkagulo't sugurin ng mga militante matapos ikulong ang ilan nilang kasamahang di pinakinggan sa kanilang protesta.

Lahat sana ito naiwasan kung marunong lang tayong

MAKINIG.

Lahat tayo ay may nais sabihin. Pero paano ka pakikinggan kung hindi ka din naman marunong makinig. Simple pero mahirap gawin. Lahat naman tayo ay may tenga ngunit hindi natin nagagamit ng maayos at mabuti.

Naniniwala naman kasi akong lahat ay madadaan sa mabuting usapan, pero hindi lang sapat na marunong kang makinig...

Dapat marunong ka ding 

UMUNAWA.

Nilagay ang auditory nerve sa iyong tenga para i-transmit ang mensaheng iyong narinig sa iyong utak. Gamitin po sana natin ito ng maayos.

Marami pong Salamat sa inyong pakikinig. Sana po'y naunawaan niyo ang nais kong iparating. Kung may nais man po kayong sabihin ay handa ko po kayong pakinggan.

Friday, July 9, 2010

Baboy sa bariles

"Minsan 300, pag maswerte nakaka 500. Sa awa ng Diyos nakakaraos naman kami." ang sabi ng isang simpleng Juan Dela Cruz.





"P70 million per year tapos babawasan niyo pa ng P10 million? Pano na ako at ang mga constituents ko. Tingin niyo ba magkakasya yon?" ang sagot ng pulitiko sa balitang babawasan ang kanilang pork barrel.



kakabadtrip!

Wednesday, July 7, 2010

Kita tayo Bukas! (finale)


Page 1 2 3
4

Nagwalk-out si Bebang dahil sa nangyari. Hindi ko inakalang magagalit siya sa hindi ko agad pagsagot sa tanong niya. Pagkalipas ng ilang minuto, nagpasya na din akong umakyat sa klase.

Nasa loob na ng silid-aralan si Bebang nang umakyat ako. Kakausapin ko sana siya pero bakas pa din ang pagkayamot sa kanyang mukha. Initsa ko ang bag ko sa aking upuan at napagpasyahang tumambay na lang muna sa labas habang wala pang prof. Pagdating sa pasilyo ay nakita kong nakakumpol dun ang tropa ko habang mga nagyoyosi. Gumuhit ang mga mapanlokong ngiti nila ng makita akong papalapit.

Kinutuban ako. Takte. Iniiwasan ko ngang malaman ng buong madla pero mukhang alam na ng tropa ko. Maiingay pa naman tong mga mokong na ito. Sabagay mga matatalik ko naman silang kaibigan, at saka kailangan ko ngayon ng malalabasan ng saloobin.

"Kamusta loverboy?" ang bungad sakin ni Gary pagkalapit na pagkalapit ko, na agad na kumumpira sa kutob ko.

Si Gary, ang patpating rockstar. Hindi naman siya adik, pero adik lang minsan magsalita. Makulit kasama at mahilig maglaro ng drums sa arcade section ng mga malls na nakakalat sa Metro Manila.

"Loverboy kayo diyan." ang sagot kong medyo may pagka patay malisya.

"Ang siste kasi tsong, eh sa di inaasahang pagkakataon eh nakita namin kayo ni Bebang sa baba. Magkasama at magkausap. At mukhang may alab sa inyong pag-titinginan." ang sambit ni Pepito na parang tumutula.

Si Pepito naman ang animoy kuya sa grupo. Mature kasi ang itsura niya. Balbon at mabuhok ang buong katawan pwera lang sa kili-kili. May pagka hopeless romantic at mas mababa pa ang self-esteem kay Hanamichi Sakuragi pag nababasted ng babae. Masarap kausap pagdating sa pag-ibig, pulitika at mga malalalim na paksa ng buhay. Malakas manlibre.

"Hehehe. Nice one tsong. Kaso nag-iba ata bigla ang taste mo." ang nasambit naman ni Bembol na may tonong pagkasabik at pagtataka.

Si Bembol naman ang chickboy ng tropa. Kung meron B1 at B2, meron namang Bentong at Bembol sa klase. Love guru at mahilig sa mga tsikas. Magaling sa mga pick-up lines. Sa sobrang galing, kaya niyang ipasabi ng babae ang vital statistics niya ng hindi niya namamalayan. Adik sa ragnarok at DOTA. Favorite pastime ang pagkuha ng picture ng mga nakausling panty ng mga kaklase namin sa klase. Pag may pagka low waist ka magpantalon at nagkataong nasa likod mo siya nakaupo, ay malamang pipicturan niya ang panty mo sa oras na makita niya ito.

Nagsama-sama na naman kaming apat. Ang apat na lalake sa klase, dahil ang iba naman ay medyo kwestiyonable ang sekswalidad. Ang mga kasundo ko sa maraming bagay-cutting of classes, computer, dota, babae, libog, usted at marami pang iba. Basagan ng pagkatao ang madalas naming pinag-uusapan na kami-kami din mismo ang kadalasang topic.

Naisip ko ang sinabi ni Bembol, "Nag-iba ata bigla ang taste mo" napansin ko na may pagkakahawig ito sa tinanong sa akin ni Bebang. Marahil napansin niya na hindi mga tipong tulad niya ang pinopormahan ko dati.

Napagpasyahan kong ikuwento sa kanila ang tunay na sitwasyon. Litanya kung litanya. Medyo binarubal ako nung una pero pagtatagal tagal ay napalitan naman ng mga words of wisdom, advice, at encouragement. Bandang huli, e natapos din ang meeting namin at umani ako ng suporta.

Nung napansin namang nandiyan na ang prof ay pumasok na din kami. At nagsimula ang klase. Lumilipad ang utak ko. Maya't-maya kong sinusulyapan si Bebang. Bakas pa din sa mukha niya ang pagkayamot, na mas lalong nagpangamba sa akin. Si Pepito naman ay haharangan ang view ko ke Bebang at makikipagtitigan sakin habang nakangisi ang mukha. Kailangan kong gumawa ng paraan.

Napagpasyahan kong kausapin si Bebang pagkadating ng breaktime. Dun ko sasabihin ang tunay na nararamdaman ko sa kanya. Dun ko na din sasabihin ang sagot ko sa tanong niya kanina.

_______

"Galit ka pa ba?" ang tanong ko sa kanya.
"Hindi ako galit." ang sagot niya sa tanong ko.

Kita pa rin sa mukha niya ang pagkayamot. Samahan mo pa sa tono ng kanyang pagsasalita.

"Kung hindi ka galit, eh ano? Sana naman wag ka nang mainis sa akin." ang nasabi ko na parang mas akma sa nararamdaman niya.
"........" katahimikan lang ang sinagot niya sa akin.

Tinignan ko ang mukha niya. Tinantya ang mood niya. Nakakabingi ang katahimikan naming dalawa. Nung mukhang kalmado na siya't handang makinig, saka ko sinimulan ang sasabihin ko.

Huminga muna ako ng malalim. Pumikit sandali at inalis ang iba pang bagay sa aking isip. Pinatigil ko ang mundo ko at tinuon lang ang buong atensyon sa kanya.

"Sa totoo lang, masaya akong kasama ka. Hindi ko alam kung bakit, at wala din akong pakialam kung hindi ko alam ang sagot dun." ang mga katagang unang nasambit ko.

"Basta ang isang bagay lang na alam ko e mahal kita."

Magsasalita sana siya pero pinigilan ko siya.

"Yung sa tanong mo kanina, gusto kita dahil pinili kong ikaw ang gustuhin ko. Hindi naman sakin batayan ang pisikal na anyo. Kumukupas naman kasi yon. Gusto ko ang buong pagkatao mo. Ang itsura mo, ang ugali mo, pati ang pagiging moody mo. Sa akin kasi kung gusto mo ang isang tao, dapat gustuhin mo siya ng buo. Total package kumbaga. Wala naman kasing taong perpekto." ang dagdag ko.

"Kung bakit kita mahal, ang sagot ko ay ewan ko. Hindi naman kailangan ng dahilan para mahalin mo ang isang tao eh. Ang mahalaga e nagmahal ka. At sa isang tulad mo, ano bang hindi dapat mahalin?"

Tahimik lang si Bebang nung sinabi ko ang saloobin ko. Pero wala na ang bakas ng pagkainit at pagkayamot sa kanyang mukha.

Tinignan ko siya sa mata. Nagkatinginan kami ng matagal.

"Ang tanong e, mahal mo din ba ako? At papayag ka bang ipagkatiwala ang puso mo sa akin?" ang tanong ko sa kanya.

Tumingin siya sa mata ko at dahan-dahang nagdikit ang aming mga labi.


-wakas-

Author's note:

Sa araw na ito pinagdiriwang ni Bentong at Bebang ang kanilang 4th year anniversary bilang magkasintahan.

Happy Anniversary bhe!

love you so much!..

Tuesday, July 6, 2010

Tatlong Bampira

May tatlong bampirang katatapos lang manood ng Eclipse ang pumunta sa isang restaurant.

Mayaman: Fresh blood please!

Middle Class: Isang order nga po ng dinuguan, saka puto na din.

Mahirap: Enge nga pong mainit na tubig. May napulot akong napkin, kaya magtsa-tsaa na lang ako. :)

Monday, July 5, 2010

Ako si Invisible Man

"Hay buhay..."

Yan na lang ang nasabi ko habang pinagmamasdan kita mula sa malayo.

Gusto kitang kausapin,pero hindi ko alam kung pano ko gagawin. Napagpasyahan kong pumunta muna sa banyo. Tinignan ko ang sarili ko salamin.

"Kuya, nakikita mo ba ako?" ang tanong ko sa katabi kong abala sa paggawa ng highway sa kanyang buhok gamit ang isang wax.

Tumango siya. Matapos masigurong hindi ako transparent, eh umalis na ako upang tunguin ka.

Binalikan ko ang lugar kung saan kita nakita. Kasama mo ang mga kaibigan mo. Pero nung naramdaman nila ang prisensya ko e, napagpasyahan nilang iwan ka muna't bumili ng makakain. Yun na ang pagkakataon ko. Tumabi ako sayo. Umaasang pansinin mo sa pagkakataon na iyon. Tinawag ko ang iyong pangalan. Hindi ka umimik. Katahimikan. Nilingon mo naman ako, pero ramdam ko ang pagtagos ng mga mata mo sa kinalalagyan ko. Anak ng tokwa! Invisible pa din pala ako. Kala ko pa naman tanggal na ang sumpa.

Kung sa facebook, ang status ko ngayon ay invisible, kung sa sa ym naman naka sign-in ako pero invi. Hindi naman sa pinagtataguan kita, o dahil may tinataguan akong inutangan o kagalit ko. Nagkataon lang talaga na sa mga panahong ito, sa tuwing maglo-login ako para makapiling ka eh laging invisible mode ang labas sayo. Inisip ko nga kung maging lifesize letter f na lang ako o di kaya'y maging malaking smiley, mapapansin mo na kaya ako? Ewan ko ba kung may problema ba ang connection mo? O may suot ba akong invisibility cloak? Alam ko din naman wala akong nadaanang invisibility na power-ups dahil mas pinipili ko nang makasama ka kesa mag-DOTA. Mga katanungang tinatanong ko ng paulit-ulit sa aking sarili.

Ok naman tayo dati ah. Masaya naman tayo at mahal natin ang isa't-isa. Pero hanggang kailan ba ako magiging Invisible Man sa iyo? Ilang araw na kasing ganito. Nami-miss na kasi kita ng sobra.

Tumayo ako at nagpaalam sa iyo. At tulad ng mga nagdaang araw, di ka pa din sumagot. Binagalan ko pa nga ang lakad ko, pero di mo pa din ako tinawag. Siguro kailangan mo pa din ng time.

Napagpasyahan kong bumawi na lang bukas. Dadalhan kita ng bulaklak, haharanahin kita, luluhod ako sa harap mo, at kung anu-ano pa. Gagawin ko ang lahat mapatawad mo lang ako at matanggal ang sumpa.

Friday, July 2, 2010

Red Solitude

Your dark existence
Living in the bloody glow of flames
An endless flashing light
That cast shadows on my remains
Dancing solo to the music of your immortal choir
My brain screams, creating frigid echoes of poetry rise

My dark heart
Kept locked in solid crystals of light
Safe form the fire
That threatens to destroy my identity
Burning the end of my sanity

Your dark need
Hanging on with artistic flow of your blood
Pleading for release
Pouring sweat on my flesh
Make me twist. Made me breath
Awakening a dark phantom that move beneath my skin

Your dark promise
Your smooth voice that aroused my craving
Whispering assurance
Awakening my abandoned spirit
Serenade my shaking body, strengthening
Gave me hope, made my will
Leaving me naked and raped of refusal

Your dark love
Invaded by fallen defeat
Enters into the pores of my living soul
Unite with one another
Unite evanescence spirit thru meaning
Picturing the flow thru similar fires
Loud crying word of "always, forever"

My dark peace
Filled empty impression
Calmed my wildness unease
Warm delight fall unto the shallow corners
Flames subside yet glow to amber satisfaction
Slows my breath and soften my yearning
Wrap me unto the immortal wing of your angelic charm

My savior from dark solitaire

Inspired by the poem Litany by Carolyn Creedon.
A poem given to me by my girlfriend during college. :)
Powered By Blogger

Nuffnang