Pages

Wednesday, June 30, 2010

V.I.P.


Pagkakaisa at makabayang damdamin ang nangingibabaw sa isa't-isa. Ang iba naman ay emosyonal. Nagkalat ang mga plakards at banner na nagsasabi ng "Pagbabago...". Marami ding nagtitinda ng mga memorabilia at souvenirs. Nagkalat ang mga pulis at media. Makulimlim ang kalangitan. May helicopter, confetti at nagkalat ang mga taong nakasuot ng kulay dilaw. Ilan lang iyan sa mga kaganapang kapansin-pansin ngayon sa Luneta.

Sandamukal na tao ang dumagsa sa Luneta, partikular na sa grandstand upang saksihan ang makasaysayang pangyayari sa bansa. Samu't-saring tao na mula sa iba't-ibang antas ng lipunan. May bata, matanda, babae, lalake, mayaman, mahirap at saka mga artista. Bawat isa ay may lugar na kinalalagyan.

Bagamat nagkakaisa sa pinagdiriwang ay kitang-kita ang isang partikular na bagay na hindi kayang maikubli ng selebrasyon.

"Sir, bawal po kayo dito. Pang V.I.P. lang po ang lugar na ito." ang sabi ng gwardiyang nakaputi.

"V.I.P.? Bat hindi kami pwedeng pumasok, samantalang sila naman pwede?" ang sagot ng matanda.

"Lolo, V.I.P. po. Ibig sabihin mga importanteng tao lang po ang pwede dito. Dun po kayo banda sa baba ng grandstand." ang sagot ng guwardiyang may tonong pagkayamot. Agad niyang kinuha ang kanyang radyo at sinabihan ang mga kasama.

"Ano ba yan? Panong nakapasok yan dito? Malalagot tayo niyan eh. Dalhin niyo na sila Lolo sa baba bago pa siya mapansin dito." ang sabi ng isa pang guwardiya.

Wala nang nagawa si Lolo Vicente kung hindi sumuko at sundin ang sinabi ng gwardiya. Kahit nainis siya sa sagot nito ay hindi pa rin nawala ang ngiti sa kanyang mukha. Para sa kanya espesyal ang araw na ito. Manunumpa kasi ang bagong Pangulo ng bansa. Ang unang Pangulong masasaksihan niyang manumpa at marahil ang huli na din.

Sa edad na 70 ay aktibo pa din siyang sumasali sa mga pagdiriwang. Kasama ang apong si Baldo tinahak nila ang daan patungo sa baba ng grandstand habang ine-escortan ng mga guwardiya.

Pagdating sa hagdanan ay sabay dating ng ilan pang taong naka-uniporme. Apat na lalaking brusko ang pangangatawan, nakasuot ng puti, nakasalamin at may nakasubwit na animo'y wire sa kanilang mga tenga. Hinawi nila sina Lolo Vicente at Baldo upang bigyang daan sila Congressman, Senator, Businessman, at iba pang V.I.P..

"Lolo, bakit po tayo pinaalis? Dahil po ba sa mga suot natin?" tanong ni Baldo.

Mga naka-barong, Filipiniana, tuxedo at kung anu-ano pang magagarang damit ang bumalandra sa kanila pagdating sa ibaba papasok sa lugar ng mga VIP. Samahan mo pa ng mga naglalakihang dyamante at alahas. Hindi na nakakapagtaka kung bakit ito naitanong ni Baldo. Kumpara nga naman kasi sa suot nila ni Lolo Vicente na t-shirt, maong at tsinelas.

"Naku, hindi apo noh. Walang kinalaman ang suot natin. Bawal kasi tayo doon." sagot ni Lolo Vicente.

Pagdating sa baba ng grandstand ay tinanaw ni Lolo Vicente ang kumpol ng mga tao na mistulan ng dagat na dilaw.kung saan sila pupuwesto. Tinignan niya kung may lugar ba para sa mga katulad niyang senior citizen, na agad namang nasagot ng wala. Sinabihan niya ang apo na maghahanap sila ng magandang puwesto para makapanood sila ng maayos.

"Bakit po sila pwede dun, samantalang tayo bawal? Mas maganda dun lolo. Hindi masikip, may mauupuan tayo saka may lilim pa kung sakaling umulan. Samantalang dito siksikan at ang daming tao." ang nasabi ni Baldo na may halong pagkalito.

"V.I.P. lang daw kasi yung pwede dun." sagot ni Lolo Vicente sa usisa ng apo.

"V.I.P.? Ano po un?" usisa ulit ng makulit na si Baldo.

"Ang V.I.P. apo eh ung mga taong importante daw." sagot ni Lolo Vicente sa apo.

"Gano po kaimportante?" tanong niya ulit.

"Importante. Pag ikaw ay mahalaga para sa ibang tao, V.I.P. ka." ang sagot ni Lolo Vicente.

"Eh di puwede po pala tayo dun eh.V.I.P. din naman po kayo, saka sila nanay at tatay!" tanong ulit ni Baldo.

"Bakit mo naman nasabi iyon?" ang usisa naman ni Lolo Vicente.

"Kasi importante po kayo sa akin. Pati po sina Nanay at Tatay. Ganon din po kayo kasing-importante para kina Ate at Kuya. So V.I.P. din po kayo. Wala naman po palang halos pinagkaiba sa kanila." inosenteng sagot ni Baldo.

Pinagmasdan ni Lolo Vicente ang paligid. Sa nakikita niya bigla niyang natanong sa sarili. 

"Gano nga ba talaga ka-importante ang mga katulad namin?" 

Sa nakikita niya kasi parang mahirap tanggapin ang kasagutan. 

"Sa panahong iyon, boto lang ba ang mahalaga sa amin? Hindi kasi ito ang inaasahan kong selebrasyon. Wala ang inaasam kong pagkakapantay- pantay." ang mga katagang nasabi niya sa sarili.

Tinignan niya ang apo sa mata. Ngumiti siya at sinabing-

"Lika na Baldo, uwi na lang tayo."

-end-


Author's note:

Wala po akong grudge sa bago nating Pangulo. Hindi ko lang nagustuhan ang sistema na nasasaksihan ko. Ang selebrasyong ito ay para sa Sambayanang Pilipino at sa tagumpay na nakamit natin ng isinagawa natin ang Demokrasya at nang inihalal natin ang sa tingin natin ay karapat-dapat na mamuno sa  bansa. Hindi ba dapat lahat naman tayo ay ituring na V.I.P. dahil tayo din naman ang naglagay sa kanila sa kinalalagyan nila ngayon?

Friday, June 25, 2010

Ulan


"Kuya, puwedeng pasukob?" ang bungad sa akin ng isang binibini habang naglalakad ako papunta ng terminal ng jeep. Mukha naman siyang mabait kaya pumayag na din ako. Dahil don bumagal ang paglalakad ko. Para akong escort sa sagala na dapat alalayan ang aking kapareha. Kulang na lang umulan ng fireworks pero sa sitwasyon namin ngayon,umuulan na nga- malakas at napakalalaking mga patak ng ulan.

Maulan ng araw na iyon. Nakapagtataka gayong sinabi naman sa balita na magiging maaraw. Mukhang papasok na ang buwan ng tag-ulan. Buti na lang nagdala pa din ako ng payong. Dahil don hindi ako nabasa. Mabuti na yung laging handa.

Kahit kelan talaga ayaw ko ng ulan- ang makulimlim na langit, basa, baha, putik at sari-saring sakit na makukuha dito tulad ng dengue at leptospirosis. Ang kinaganda lang eh ang pagsususpinde ng klase lalo na kung may bagyo. Ngunit dahil isa na akong accountant, matagal-tagal ko nang di na-eenjoy yun.

Pagdating namin sa kanto ay mas lumakas pa ang ulan, kaya napagpasyahan naming sumilong na lang muna sa kalapit na donut shop.
Doon ko unang napagmasdan ang imahe ng nakisukob sa akin. Napakaganda niya. Napatitig ako sa kanya ng matagal, pinagmasdan. At ngiti ang unang binungad niya sa akin.

"Salamat po ah!" wika ng binibini.
"Naku wala po un." ang nasagot ko.

Di pa din ako makapaniwala. Parang isang eksena sa pelikula ang kinalalagyan ko. Binuksan ko ang aking bag at iniabot sa kanya ang baon kong face towel.

"Naku wag na po. Nakakahiya na masyado."
"Ok lang. Basang-basa ka kasi eh. Saka basa na din yang pinangpupunas mong panyo. Baka magkasakit ka niyan, sige ka."

Dahil sa words of encouragement ko ay bumigay din siya at kinuha ang aking face towel.

Sa kinalalagyan namin eh mukhang ayaw pang magpatalo ng ulan at nilakasan pa nito lalo. Kaya napagpasyahan namin sa loob na lang ng shop antayin ang paghina nito. Umupo kami sa isang bakantang pwesto.

"Bat kasi wala kang payong? Nabasa ka tuloy." ang usisa ko.
"Di ko naman kasi inakalang uulan ngayong uwian gayong maaliwalas naman ung panahon kanina." ang sagot niya.
"Ahh." ang nasabi ko.

Katahimikan.

Nagkatinginan kami na agad din naming iniwas sa isa't-isa. Unti-unting namumuo sa isipan ko ang isang malaking problema. Pano ko kaya siya makikilala? Kailangan kong gumawa ng paraan.

Tumayo ako't pumunta sa counter para umorder. Ilang pirasong donut at dalawang mainit na tsokolate.

"Kain muna tayo. Tutal mukhang matagal pa bago humina yan." ang alok ko sa kanya.

Tinanggihan niya ang alok ko.

"Wag kang mag-alala. Di ko nilagyan ng anumang bagay yan. Wala yang pampatulog o di kaya'y lason." ang sabi ko.

"Saka mabait naman akong tao. Eto ID ko at NBI Clearance para di ka matakot." ang dagdag ko.

Kinuha niya at tinignan niya ng mga ilang minuto. Pagkatapos ngumiti na din siya.

"Salamat King ha." ang sabi niya.
"Pano mo nalaman pangalan ko?" pagtataka ko.

Itinaas niya ang kilay niya habang sabay na itinataas ang hawak niyang ID at NBI Clearance.

"Oo nga pala. Hehe." ang sabi ko.
"Ako nga pala si Anne." ang sabi niya habang inaalok ang kamay niya sakin.

Pinunasan ko muna ang kamay ko at nakipagkamay sa kanya.

"King, ulet." ang sabi ko.

Napangiti ang loob ko. Tagumpay ang plano kong makilala siya.

Maganda si Anne. Mahaba ang kanyang buhok. Maputi at may katamtamang tangkad. Maganda ang kanyang katawan na pansin dahil medyo kumapit ang damit niya dito mula sa pagkakabasa sa ulan. Isang babaeng wala ka ng hahanapin pa.

At dahil medyo palagay na kami sa isa't-isa eh napagpasyahan naming magkwentuhan muna para hindi mainip. Mula kababawan hanggang kalaliman ng buhay napag-usapan namin. Doon ko din nalaman na isa pala siyang guro. Kaya pala parang pamilyar ung uniporme niya.

Unti-unti ko siyang nakilala habang unti-unting nauubos ang tsokolate at donut na kinakain namin. Habang sa labas naman ay unti-unting umaaliwalas ang panahon at unti-unting humihina ang pag-ulan. Samantalang ang loob loob ko ay nananalangin ng dagdag na oras pa upang makasama siya. Hanggang sa tumayo siya at nagpaalam.

"Mukhang tumila na. So ano? Mauna na ako? Salamat ulit ah." ang sabi niya.

Napatungo na lang ako sa bilis ng mga pangyayari.

"Ingat ka ah! Nice meeting you." ang naisagot ko na lang.

Sa unang pagkakataon mas ginusto kong umulan pa kesa sa tumila ito. Hindi ko alam kung magiging ganito ulit sa susunod. Napagtanto kong habang nandiyan pa ang ulan eh enjoyin mo lang ito at baka sa susunod na hanapin mo ito e wala na. Dali-dali akong tumayo at lumabas ng shop. Binuksan ko ang aking payong at kinalabit si Anne mula sa likod.

"Hatid na kita."


-end-

Monday, June 14, 2010

Sa Pag-ikot ng Mundo by Siakol


para sa mga hopeless na diyan.. sana maisip niyo masarap pa din ang mabuhay.. Ika nga ni Santino- May Bukas Pa..

Iangat mo na ang telepono
At darating ako
Kahit na sumasakit itong ulo
Iangat mo na rin ang iyong mukha
Wag kang mabahala
Hindi ko tatawanan ang iyong pagluha

Hindi ba't sabi ko sayong tigilan mo na yan
Ang pag-iisip mo sa walang katuturan
Hindi maalis ng alak at ng pag-iyak
Bigyan mo ng daan ang bago mong tinatahak

Sari-saring pangyayari pa ang iyong makikita
Sari-saring bagay-bagay pa na mas mahalaga
Ngayon, sabihin mo kung hindi ka pa kuntento
Marami pa'ng magaganap dito sa pag-ikot ng mundo

Iabot mo na sa 'kin ang baso
At tatagayin ko
Kahit na sumasakit itong ulo
Iabot mo na rin ang gitara
At tayo'y kakanta
Ng Tito, Vic, & Joey para masaya

Hindi ba't sabi ko sayong tigilan mo na yan
Ang pag-iisip mo sa walang katuturan
Hindi maalis ng alak at ng pag-iyak
Bigyan mo ng daan ang bago mong tinatahak

Sari-saring pangyayari pa ang iyong makikita
Sari-saring bagay-bagay pa na masmahalaga
Ngayo'y sabihin mo kung hindi ka pa kuntento
Marami pang magaganap dito sa pagikot ng mundo

Hindi ba't sabi ko sayong pigilan mo na yan
Ang pag-iisip mo sa walang katuturan
Hindi maalis ng alak at ng pag-iyak
Bigyan mo ng daan ang bago mong tinatahak

Sari-saring pangyayari pa ang iyong makikita
Sari-saring bagay-bagay pa na masmahalaga
Ngayo'y sabihin mo kung hindi ka pa kuntento
Marami pang magaganap dito sa pagikot ng mundo
Sa pagikot ng mundo sa pagikot ng mundo

Kita tayo Bukas! (4)

page
 1 2 3


Nabitin ang pagsasama namin kahapon. Tulad ng sinabi ko, nagsabay lang naman kasi kaming maglakad pagpasok. Pagdating sa loob eh sumama na rin kami sa sari-sarili naming mga tropa. Kabitin, kaya nagpasya ulit kaming magkita kinabukasan. Sinabi niya babawi siya at siya naman ang magiging maaga.


"Weh? Talaga lang ah!" sabi kong may halong pagdududa.

"Oo noh! Gusto mo pustahan pa tayo eh?" kumpiyansang sagot ni Bebang.

"Sige ba! Game!"

"Eh di game din! Ano namang pagpupustahan natin?" tanong niya.

"Kaw na bahala para di ka naman lugi. Sure naman kasing panalo ako niyan bukas eh."

"Yabang! Tignan na lang natin."

"Talaga!"


Dahil sa pustahan namin, nahirapan akong matulog kinagabihan. Ginawa ko na lang si-net ko yung 3 alarm clock namin at cellphone ko sa iisang oras. Tignan na lang natin kung di ako magising niyan.


Kinabukasan maaga ako nagising. Sa sobrang aga, di pa tumutunog ang mga alarm clocks ko nagising na ako. Maya't- maya kasi akong nagigising eh. Ganyan naman talaga kung excited ka. Para mas mabilis nag- LRT na ako. Kahit mahal eh may libre namang dyaryo, kaya solve na din. Agad kong binuksan ung entertainment section. Binasa ko agad ang Pugad Baboy at kapalaran ko sa horoscope. Sabi sa love, ligawan mo na kasi na animoy nagpaparinig at sa money, dudukutan ka ng katabi mo sa tren. Agad tuloy akong naging alerto.


Ako ang nauna sa tagpuan. Mas maaga kesa kahapon. Nagbubunyi ang loob ko kasi ako ang nagwagi. Si Bebang naman dinagdagan pa ng isang oras yuong pagiging late niya kumpara sa kahapon.


" Kita mo bumawi ako?" bungad niya pagdating, na sinagot ko naman ng isang matamis na ngiti.


Agad na nawala ang inis ko oras nang nakita ko siya. Di ko na din alintala yung pag-aantay ko ng ilang oras. Sabi ko na lang sa sarili ko, kung ganito ang bungad lagi ng umaga, ok na din.


" Oh baka madapa ka niyan ah. Sa daan ka kasi tumingin." sabi ni Bebang matapos mapansing di ko maalis ung mata ko sa kanya.


Since maaga pa naman, tumambay muna kami sa baba.


" So ano bang balak mo?" sambit niya sakin.

" Balak? Saan?"

" Sa atin?"


Nagulat ako sa pagiging straight to the point niya. Ang nasagot ko na lang


" Ewan ko. Basta masaya akong kasama ka." ang nasambit ko habang tinitignan ang mga ulap sa langit.


Maaliwalas ang paligid. Pumikit ako sandali at huminga ng malalim. Pagdilat ko tumitig ulit ako sa bughaw na langit at pinag-isipan ang sasabihin ko.


" Kaw ba?"

" Ewan ko din. Masaya din naman akong kasama ka eh."

" Mas magiging masaya ako kung magiging tayo."

" Ngak! Manligaw ka muna!"

" Ano pa ba sa tingin mo ang ginagawa ko?"

" Wala ka namang sinabing nanliligaw ka ah?"

" Kelangan pa bang sabihin yon?"

" Oo naman. Pano ko malalaman kung di mo sasabihin?"

" Bat ko naman sasabihin kung pwede ko namang ipadama?"


Sa wakas natigilan din siya.Katahimikan ang sinagot lang niya sakin. Saka ko lang napansin na namumula siya. Ang alam ko kasi pulbos lang naman ang ginagamit niya.


" Ewan ko sa'yo."

" Anong ewan mo sa'kin?"

" Ang labo mo kasi eh! Bakit ako pa? Madami naman diyang iba ah!"

" Ano naman ngayon?"

" Di hamak naman na mas maganda sila sa akin. Mas matangkad, mas maputi. Bakit ako?"

Tinignan niya ako ng diretso sa mata, saktong naisip ko bigla ang pustahan namin.

" Ano di ka na nakasagot?" sambit ni Bebang sa akin.


-to be continued-

Tuesday, June 1, 2010

Singko

Mapula-pula pa ng makita ko itong nakasulat sa aking papel. Pagkakuhang pagkakuha ay dali-dali kong nilamutok at initsa sa loob ng aking bag. Huminga ng malalim at umastang parang walang nangyari. Pero hindi pala ganon kadali yon, lalo na't nakapalibot sa iyo ang mga kaklase mong winawagayway ang mataas nilang marka. Daig pa ang bagyo sa kayabangan. Ang iba naman nagtatanong tanong, hinahanap ang taong nataasan nila gayong di din kataasan ang nakuha nila. Wari ba'y ang kabiguan ng iba ang siyang kasiyahan nila. Bago pa nila makita ang hinahanap nila, nagpasya na akong lumabas ng kwarto. Naglakad muna ako, nagpahangin at nagmuni-muni.

Ilang minuto na lang ay favorite subject ko na. Sa sobrang pagka-favorite ko eh malamang hanggang summer kami magsasama. Feeling ko nga Doctorate na kinukuha ko eh. Kung ibabase mo nga naman kasi ang mga quizzes ko, malabong maipasa ko ang subject na ito. Bahala na si Batman! Malay natin baka biglang magbago ang ihip ng hangin.

Tinanaw ko ang paligid. Madaming tao. Magulo at maingay. Ganito pala sa kolehiyo. Ang labo, magulo. Mula elementarya hanggang magtapos ako ng highschool, napag-alaman ko ng mas mataas ang 1 kesa sa 5. Kaso ngayon pag nakakuha ka ng 5 e bagsak ka, pag 1 naman e outstanding? Di ba ang labo?

Para bumuti naman ang pakiramdam ko, lumapit ako sa mga tropa kong nagyoyosi. Nagmistula akong filter habang kausap ko sila. Himas na lang ang kulang at pede na akong ipanabong. Agad ko silang tinanong kung ilan ang nakuha nila sa quiz. May dos, tres, kwatro at sa kabutihang palad meron ding singko. Kahit papano gumanda ang pakiramdam ko, kahit na sa tingin ko eh hindi pa rin maganda iyon. Iba nga naman kasi kung meron kang kasama, karamay kumbaga. Sa puntong iyon naintindihan ko ung State of Belongingness na ine-explain ni Prof last week sa Psychology. Tinandaan ko agad at baka sakaling itanong mamaya dahil malamang may quiz na naman.

Maya-maya pa at dumating na din si Ma'am. Sakto! Alas dose ng tanghali. Agad na napuno ang klase, dahil nadagdagan ng irreg students. Daig pa ang MMFF sa dami ng tao. Maski sa harap ng blackboard may nakaupo. Nawala na din ung aisle namin sa gitna ng klase. Isang kwartong kasya ang mga tatlumpong katao na nadagdagan ng tatlumpu pa. Kumbaga sa sasakyan, overloaded na.

Kung tutuusin mabait naman si Ma'am, may pagka kupal nga lang kasi di siya ganon kagaling magturo. Ang halos ginawa lang namin lagi eh kabisaduhin ang laman ng libro at presto instant one hour and a half minutes na ang lumipas. Nagtataka nga ako kung bakit siya naging prof gayong wala naman siyang education units. Para san pa ang board exams kung pede ka namang magturo as long as may M.A. ka o di kaya isang magaling na engineer? Iniisip ko tuloy kung alam ba niya ung ibig sabihin ng classroom management eh.

"O.K.! Get 1/4 piece of paper and cover your papers."- sabi ni Ma'am.

Hindi nga ako nagkamali ng hinala. May quiz na naman. Twenty items.

Ang hirap mag-isip pag ganito kayo kadami. Tapos wala ka pang kinakain. Pag kumain ka naman, e baka antukin ka dahil sa boring na discussion at sempre busog ka eh. Isama mo pa ang kadahilanang alas dose ng tanghali at mga ganong oras ako pinapatulog nung kabataan ko. Isama mo pa ang problema mo sa pamilya.

Unang tanong pa lang inalat na ako. Ni hindi nga tinanong ung State of Belongingness na tinandaan ko eh. Hindi rin ako makakopya kasi todo takip ung mga katabi ko. Ewan ko ba kung ayaw magpakopya o wala silang sagot. Yung iba naman nakakopya na nga, hindi naman sini-share. SELFISH?

Pagkatapos ng 20th question...Tabula Rasa na naman ako.

"Ok! Pass your papers clockwise. Write corrected by."

Inisip ko kung ipapasa ko ba o sasarilinin ko na lang ung papel ko. Pero naintimidate ako ke Ma'am eh kaya pinasa ko na din para machekan. Inisip ko na lang swerte naman ng magtsi-check sa akin. Di na masasayang ang tinta ng ballpen niya.
Powered By Blogger

Nuffnang