Pages

Tuesday, September 21, 2010

Unchanging (1)

Alas singko ng hapon. Halos lahat ng makasalubong sa daan ni Dennis ay papauwi na, samantalang siya papasok pa lang ng trabaho. Posturang postura habang nilalakad ang daan patungo sa terminal ng jeep. Long sleeve na polo, itim na slacks at itim na sapatos na patusok ang dulo, samahan mo pa ng kurbatang animo'y nakapulupot sa leeg. Kulang na lang- Bibliya o di kaya'y Encyclopedia at ayos na ang porma.

Bilang isang call center agent, nakasanayan na niya ang bagong mundong ginagalawan niya. Ang mundong kung saan ang araw ay ang gabi, at ang gabi naman ay ang sa araw. Sumakay siya ng jeep at pumewesto sa bandang likod ng driver upang makanakaw ng idlip sa byahe. Tyempo namang sumakay ang dalawang kolehiyala na walang ampat na nagkwentuhan sa tabi niya. Inaliw na lang niya ang sarili sa simpleng pakikinig sa dalawa habang nag-aantay ng mga pasahero ang jeep. Lalake, pag-ibig, quiz sa Trigonometry, kinaiinisan nilang malanding kaklase, lalake, pag-ibig at kinaiinisan nilang malanding kaklase ulit, na nagpaulit-ulit pa. Matapos mapakinggan ng pangalawang ulit, nagsawa na agad ang tenga ni Dennis. Pangatlo, pang-apat, nakabisado na niya ang buong istorya. Pati tuloy siya, nahirapan ng maka-get over sa narinig.

Maya-maya'y may sumakay na isang dalaga. Lahat ng pasahero napatingin sa ganda nito. Si Dennis naman napangiti lang sa kanyang puwesto. Pumewesto ito sa tapat niya. Unti-unti ang ngiti ay napalitan ng kaba. Naglalaro sa isip niya kung anong sasabihin sa dalaga. Nagkatinginan silang dalawa. Natulala si Dennis at nagmistulang bato sa kaba.

"Uy, ikaw pala yan. Kamusta na?", tanong kay Dennis ng dalaga.

********************

Umiiyak ang bata. Pinapalibutan siya ng mga kalaro nito at inaaway, tinutukso. Lumapit naman ang isang batang lalake at pinagtanggol ang batang api. Matapos magapi ang mga kaaway ay pinatahan ng batang si Dennis ang batang kawawa.

"Wala na sila kaya tumahan ka na.", ang sabi ni Dennis sa batang babae.

Pinunasan ng bata ang kanyang mga mata, pati na rin ang numerong onse na tumutulo sa ilong nito. Tumayo mula sa pagkakaupo sa sahig habang patuloy pa din ang paghikbi.

"Huwag kang mag-alala, wala na sila. Wala nang aaway sa'yo", pangungumbinsi ni Dennis sa batang sipunin. "Ako nga pala si Dennis. Ikaw, anong pangalan mo?", ang tanong ni Dennis habang tinutulungang magpagpag ng dumi ang batang iyakin.

"Ako si Clarisse.", sagot ng batang sipunin.

"Clarisse? Ako naman si Dennis", pagpapakilala ni Dennis sa batang si Clarisse. "Mula ngayon ako na ang tagapagtanggol mo, kaya wag ka nang iiyak ah. Hangga't nandito ako, walang aaway sa'yo."

Ngumiti naman ang batang si Clarisse sa narinig. Kitang kita ang kasiyahan sa mga mata nito at sa makinang na ngiti kahit kulang kulang ang ngipin. Ginantihan naman ito ni Dennis ng matamis din niyang ngiti. Sabay pakita ang tigdalawang ngipin nito sa itaas at baba ng gilagid.

********************

"Ok naman ako. Ikaw?", ang tanong ni Dennis sa dalaga.

"Ok din naman. Papasok ka pa lang?", tanong ni Clarisse sa kanya.

"Yup. Ganito talaga eh. Ikaw ba?", ang tanong naman niya.

"Hindi, dadaan lang ako ng SM kasi may bibilhin ako.", ang sagot ni Clarisse sa tanong nito. "Bayad ka na ba?"

Dun lang naisip ni Dennis na hindi pa pala siya bayad. Umiling siya't agad kinuha ang wallet upang makapagbayad.

"Ako na. Ma bayad po.", sabay abot ng singkwenta pesos sa driver. "Dalawa po iyan. San ka nga pala bababa?"

"Sa SM din.", nahihiyang sagot ni Dennis sa dalaga. Lalo tuloy siyang namutla at nanliit sa kinauupuan niya dahil sa hiya. "Salamat ah. Bawi na lang ako sa susunod."

"Sus, wala yun noh. Para ka namang iba niyan eh.", ang natatawang sagot ni Clarisse. "Miss, pwedeng pausog?", sabay lipat sa tabi ni Dennis ng dalaga. Kitang-kita sa mukha nito ang pagkatuwa sa muli nilang pagkikita.

Itutuloy...

Wednesday, September 15, 2010

Kwentong Sabog (Kab.2)

Kab. 1  Kab. 3 Kab. 4

Makalipas ang ilang minuto, nag-iba na ang eksena. Masayang nagtatawanan ang dalawa, kung anong dahilan ay hindi mawari. Wala namang nadagdag sa kanila maliban sa usok na bumabalot sa paligid.

"Ano sabog ka na no? Langya, di ka na mapakali diyan eh.", tanong ni Wilfredo sa kaibigan.

"Sabog ka diyan? Baka ikaw? Tignan mo nga sa salamin yang mata mo oh. Konti na lang mukha nang kalampaging sasakyan."

"Kalampaging sasakyan ka diyan?"

"Oo, konti na lang titirik na.", pang-aasar ni Diego sa kaibigan.

"Ulol! Ang yabang ng dating mo kanina,tapos yun pala katiting lang dala mo. Kumbaga sa ulam hindi man lang ako natinga eh. Tapos sasabihan mo ako ng sabog?"

"Mabuti na yan kesa wala noh. At least kahit papaano meron."

Natahimik si Wilfredo sa nasabi ng kaibigan. Ipinasyal niya ang paningin niya sa loob ng kanyang tahanan. Ilang minuto na lang magdidilim na. Ipinako niya ang paningin sa agiw na nakasabit sa kisame upang maialis sa isip niya pagtatakam pa sa naging dala ni Diego.

"Wala na ba talaga?"

"Ubos na.", habang pinapakita ang laman ng kanyang bulsa.

"Hanggang kelan kaya tayo ganito Diego?", pag-iisip isip at usisa ni Wilfredo sa kaibigan.

"Malay ko. Bakit nagsasawa ka na ba?", ang tanong na sagot niya sa kaibigan.

"Ewan ko. Hindi ko alam eh."

"Habang di mo pa alam ang sagot, eh di enjoyin mo na lang. Ang iniisip ko ngayon, masarap kaya yung cocaine?"

"Malamang. Pag mahal, eh di masarap."

"Mahal ka diyan? Kung makapagsalita ka parang nakabili ka na ah."

"Hindi pa. Pero pagkakatanda ko tawag sa shabu "Poor Man's Cocaine". Kumbaga sa tagalog, cocaine ni Diegong mahirap! Hahahaha!"

Lumapit si Wilfredo sa kaibigan. Iniayos ang suot na damit na animoy nakasuot ng Amerikana.

"Yan ang natutunan ko sa pagpasok sa eskwela. Palibhasa kasi puro ka singhot ng solvent. Buti pa ako nakapag-aral.", pagyayabang ni Wilfredo sa kaibigan.

"Pakyu! Kung makapagsalita ka kala mo ang linis linis mo ah.", asar na sagot ni Diego sa kaibigan.

"Syempre, clean living yata ito. Ikaw lang naman B.I. sakin eh.", mayabang na pagsisinungaling niya sa kaibigan.

Alam niyang hindi ito kinagat ng kaibigan. Kitang kita naman ito sa reaksyon at pabirong pagsapak nito sa kanya. Malinaw pa sa isipan niya na animo'y kahapon lang nangyari. Highschool pa lang siya non. Tandang tanda pa niya ang kulay at amoy ng unang gamot na inabuso niya. Sa sobrang pagkaadik niya sa strawberry ay nilaklak niya ng buo ang isang bote ng cough syrup na gamot ng nakababata niyang kapatid sa kanyang ubo. Hindi niya makalimutan ang eksenang pinalo ng kanilang ina ang kanyang kapatid sa pag-aakalang siya ang umubos nito. Unang beses na nasundan pa ng makailang ulit.

"Pero hindi nga pare, seryoso." seryosong pagsasalita ni Diego. "Mahal ba talaga yun?", habang nag-iisip ng malalim.

"Oo nga. Tignan mo na lang sa balita- May Congressman, o di kaya celebrity. May nahuli sa Hongkong meron din sa Guam. 'Yung nahuli nga nito lang nakapagpiyansa agad eh. Nagbayad lang ng mahigit anim na milyong piso ata un.", sagot ni Wilfredo sa usisa ng kaibigan. "Saka mukhang sa ibang bansa sila bumibili eh. Dollars un 'pre!", dagdag pa niya.

"Ganon ba? Kahit magkano yan! Pwede namang pag-ipunan.", mayabang na sambit ni Diego sa kaibigan. "Tingin mo ba madadala ako niyan sa langit?", tanong niya ke Wilfredo habang nakataas ang kamay na animo'y may gustong hablutin sa hangin.

"Sa sobrang sarap, diretso ka sa impyerno! Pero sama mo ako sa pangarap mo ah!, sabi ni Wilfredo habang naka-akbay sa kaibigan.

"Oo naman. Pwede bang lumakad si Batman kung wala si BatMobile?"

Tuesday, September 7, 2010

Lifesize Maskara

Hindi naman ako kriminal pero kelangan kong magsuot nang ganito sa sitwasyon na ito. Sa mga puntong ito kasi kritikal at kailangang mabura ang aking pagkatao. Kailangang mapaniwala ko silang ako itong nakikita nila, totoo at hindi si Peter na isang ordinaryong tao, isang ordinaryong manggagawa.

Una kong sinuot ang sa katawan. Agad nakumpirma ang sabi-sabi na mainit siya kapag isinuot. Huli ang maskara na tulong-tulong na ikinabit sa akin ng aking mga kasama dahil sa kalakihan at kabigatan nito. Sa suma tutal mabigat siya at napakainit. Mabuti na lang at may kalakihan ang aking katawan at hindi ako nahirapang kumilos.

"Peter, alam mo na ang gagawin mo ah?", tanong sa akin ng manager namin. "Basta dapat bibo ka at masigla. Sundin mo na lang kung anu-ano yung ipauutos ni Diana, ok?".

Buhay pa naman ako pero bakit parang maaga sa aking pinaparanas ang impyerno. Hindi na ako nagreklamo dahil parte naman ito ng trabaho ko at kahit papaano'y may dagdag na bayad naman ito sa suweldo ko. Lumabas ako ng pinto pagkatapos akong ipakilala ni Diana sa mga tao.

"Mga bata eto na si ********!", ang sabi ni Diana sa mga bata.

Hiyawan at tili ang sumalubong sa paglabas ko. Lahat nagsilapit. Lahat natuwa nung makita ako. Lahat gusto akong mahawakan o di kaya'y makurot man lang. Lumabas ang pagiging bata ng matatanda. Lahat gustong magpa-picture kasama ako. Siguro ganito kasaya at kasarap maging artista.

Mayroong malaking tarpaulin- HAPPY 4th BIRTHDAY PEARL! ang nakalagay dito kasama ang mga larawan ng birthday celebrant. Dali-dali kong tinungo si Pearl upang aliwin siya. Sa puntong iyon ko rin napansin kung sino ang kanyang kasama.

Si Carla- ang unang babaeng minahal ko. Pinaglayo kami dahil masyado pa raw kaming bata para pumasok sa ganoong relasyon. Hindi ko akalaing makalipas ang mahigit apat na taon ay makikita ko siyang may anak na. Sinubukan kong hanapin ang napangasawa niya sa kumpol ng madaming tao pero nabigo ako.

Binuhat ko si Pearl habang kinakantahan siya ng birthday song. May kung anong kuryente ang dumapo sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero napayakap ako sa kanya't pumatak ang luha sa aking mga mata. Napalitan ng langit ang impyernong kinalalagyan ko. Sa mga puntong iyon mas hiniling kong maging maskot na lang kesa sa ako. Mas mapapaligaya ko kasi siya sa ganitong paraan.

Tuesday, August 31, 2010

Kuwentong Sabog (Kab.1)

Kab. 2 Kab. 3 Kab. 4

Tok tok tok!

Ang katok na gumising kay Wilfredo habang mahimbing siyang natutulog. Matamlay niyang sinipat ang oras mula sa kanyang pagkakahiga sa kama. Alas-singko na ng hapon.

Tok tok tok!

hanggang sa maging...

Blag blag blag!
Blag blag blag!

Ramdam na sa taong kumakatok ang pagkainip nito. Wala nang nagawa si Wilfredo kundi labanan ang antok at tungian ang taong sumira ng tulog niya. Binuksan niya ang pinto't sumambulat sa kanya ang nakangising mukha ni Diego.

Si Diego- dalawampu't tatlong taong gulang at ang pinakamatalik niyang kaibigan. Kilala din sa kanilang lugar bilang si Payat dahil sa sobrang kapayatan nito o di kaya'y si Bangkay dahil sa itsura niyang parang kakaahon lang mula sa hukay. Matangkad at maputi. Mahaba ang buhok na nakahawi sa kanan na tumatakip sa isa niyang mata. Kung bakit nakahawi ang buhok ay sa kadahilanang isa daw siyang emo.

"Taena naman Digs! Kala ko kung sino na? Ikaw lang pala. Sarap ng tulog ko eh!", ang inis na bati ni Wilfredo sa kaibigan.

"Oh, highblood ka ata Justin Bieber? Mahina ba ang raket kagabi?", ang mapang-asar na tanong ni Diego sa kaibigan habang tinitignan ito mula ulo hanggang paa.

Si Wilfredo- ang Pilipino version ni Justin Bieber para kay Diego. Justin Bieber sa kadahilanang mahaba ang kanyang buhok na tulad ng kay Justin Bieber. Dalawampu't apat na taong gulang. May mamasel na pangangatawan na kanyang puhunan sa kanyang trabaho.

Naging matalik silang magkaibigan matapos nilang magsuntukan at masaksak sa tagiliran ang isa sa kanila. Hindi batid kung anong dahilan ng kanilang pag-aaway at kung sino sa kanila ang nasaksak.

Pinakita ni Wilfredo ang kamao sa kaibigan.

"Gusto mong makatikim nito? Magtigil ka ah. Saka hindi ako si Justin Bieber, hindi ako boses ipis at mama's boy noh!", ang naisagot niya sa kaibigan.

"Ang init ng ulo mo. Wala bang mga pahinante kagabi, hindi mo ba naabot ang quota?", ang mapang-asar na tanong ulit ni Diego sa kaibigan.

"Wala, mahina. Langyang customer yan, kelakas-lakas umungol tapos binigyan lang ako ng P300. Takte binugbog ko nga.", ang sagot ni Wilfredo.

"Saka lilipat ako ng puwesto. Baka bumalik don at ipahuli ako. Mahirap na.", dagdag ni Wilfredo.

"Mahina kasi yang raket mo eh. Tignan mo ako? Isang takbo lang solve na agad. Puwede nang pangkain.", sambit ni Diego sa kaibigan.

"Kung makapagsalita ah. Bakit, may natakbo ka na ba?", tanong ni Wilfredo sa kaibigan.

"Malamang! Kaya nga andito ako eh. Isang cellphone galing sa bulsa ng estudyante. Binalandra ba naman sa mukha ko. Nayabangan ako kaya tinira ko na.", pagyayabang ng kaibigan.

Dumukot mula sa bulsa si Diego. May kung anong bagay na nakabalot sa papel. Pinakita niya ito sa kaibigan, na natuwa naman agad sa nakita niya.

"Ano tirahin na natin ito?" ang nakangiting tanong niya sa kaibigan.

"Para mawala naman yang alat sa mukha mo.", dagdag ni Diego sa kaibigan.

Pumunta si Wilfredo sa lamesa. Binato niya ke Diego ang lighter na may larawan ng seksing dalaga, na nasalo naman ng huli.

"Walang basagan ng trip ah.", ang sambit ni Wilfredo sa kaibigan.

"Oo naman.", ang nakangiting sagot ng kaibigan.

Itutuloy...

Tuesday, August 24, 2010

Walang kahihinatnan ang anumang dinadaan sa dahas

Kahapon, Aug 24, 2010 ay hinostage
ni Rolando Mendoza, isang dating
senior police inspector ang isang bus
na naglalaman ng mga dayuhang
namamasyal lamang sa ating bansa.


At tulad ng mga dating hostage
situation, natapos ito sa madugong
paraan. Kung saan namatay ang
hostage-taker at ilang hostages
nito, isama na din natin ang mga
sugatang hostages at isang
bystander na nahagip ng ligaw na
bala.


Naiwasan sana ito kung naisip ni
Rolando Mendoza na ipaalam na
lang ang kanyang hinaing sa maayos
at mapayapang paraan.


Meron naman nang website si P-
Noy kung saan pwede mo dung
sabihin ang iyong mga hinaing.
Pero napag-isip isip niya sigurong
malabong marinig siya dito at sa
huling tingin ko ay nung August 16
pa ang huling beses na may nagpasa
nang hinaing nila dito.


Naiwasan sana ito kung wala siyang
dalang mataas na kalibre ng baril.


Hindi ko alam kung paanong
nakahawak siya nang ganoong
kataas na kalibre ng armas gayong
natanggal na pala siya sa serbisyo.
Sana naman maimbestigahan din
ito.


Naiwasan sana ito kung hindi
naging tanga ang mga pulis.


Nakikisama naman ang hostage-
taker gayong pinakawalan pa nga
niya ang ilang mga hostages at
pinakain pa niya ang mga ito.


Sinasabing ang nag-trigger ng
kanyang pag-aamok ay nung makita
niya daw sa telebisyon nang
damputin ng mga pulis ang kanyang
kapatid. Hindi na dapat ginawa yon
gayong tumutulong naman siya
negosasyon. Maling gipitin ang
kamag-anak ng isang hostage-taker
lalong-lalo na't nakikita niya ito.


Hindi din dapat muna sumugod ang
mga pulis maski sinabi na nang
nakatakas na driver na patay na
ang lahat ng hostages. Dapat
sinugurado muna nila ito at sinukat
ng maayos ang susunod nilang
hakbang.


Hindi din dapat may natamaang
bystander kung mahigpit na
pinatupad ng mga pulis ang
seguridad sa lugar. Na kung saan
walang sinuman na walang
kinalaman at kinauukulan ang
makakalapit dito. Kitang-kita
naman ito sa natamaang bystander
at sa pagdagsa ng mga ususero
matapos ang hostage-crisis.


Tanga na mas malala pa sa pagiging
bobo. Dahil ang bobo ay natuturuan
samantalang ang tanga ay hindi na.
Hindi natin pupuwedeng idahilan
na kulang sa pagsasanay ang ating
kapulisan. Minsan naman kasi
kailangan din nating gumamit ng
common sense.


Ang panghohostage na ginawa ni
Rolando Mendoza ay ang napili
niyang paraan para iparating ang
kanyang hinaing sa gobyerno.
Naging paraan din ito upang
ipamukha sa mundo kung gano tayo
kalala sa paghawak ng isang hostage
situation. Kahit papano'y pinarating
niya ulit sa mga kinauukulan kung
ano ang mga pagkukulang sa
sistema.


Walang kinahitnan ang pag-aamok
niya. Wag din naman sanang walang
kahinatnan ang leksiyon na ito.


Nakikiramay ako sa mga biktima at
ipinagdarasal ko ang katahimikan
ng kanilang mga kaluluwa gayon na
din ang kapayapaan sa inyong mga
naiwang mahal sa buhay.

Friday, August 13, 2010

Sukamon

Sukamon: pangngalan.

1. Tumutukoy sa isang taong kinaiinisan, kinasusuklaman at kinagagalitan mo. Tulad nang suka, nagdudulot ng kasiyahan at kaginhawahan sa isang tao matapos ito'y matanggal sa iyong sistema.

2. Karamihan sa kanila'y mga pulitiko.

3. Isang digimon na hugis tae sa mundo ng mga Digimon. Sa mundo ng mga tao, isang taeng nagkorteng tao. Tulad ng tae, kaginhawahan ang maidudulot pag nailabas na sa sistema. Mahirap paglaruan, hindi mo rin kayang galawin, maangas at nag-iiwan ng bakas kahit wala na. Hindi mo din sila kayang tapakan dahil kadalasan sa kanila'y mayaman at makapangyarihan.
Powered By Blogger

Nuffnang