Pages

Friday, August 6, 2010

Pagbisita sa Bulok na Sistema

Isang ordinaryong araw. Wala sana akong balak umalis ng bahay ng biglang mag-text ang nanay ko. Matapos kong i-decode ang text niyang kulang-kulang ng vowels at punctuation marks ay napag-alaman kong pinapapunta niya ako sa DEPED upang kuhanin ang Service Record niya at tignan na din kung may school assignment na ako.

Pumasok ako ng aking kwarto at kinuha ang aking twalya upang maligo. Matapos ang mahigit isang oras ay umalis na ako ng aming bahay upang pumunta sa aking patutunguhan.

Sumakay ako ng jeep patungong Monumento- P27.50 ang pamasahe. Kahit na bababa ka lang sa kanto ay babayaran mo pa rin nang buo ang pamasahe. Walang minimum- minimum, wala ding discount minsan sa mga estudyante, at minsan wala ding isusukli sa iyong 50c. Malabo na din ang bigyan ka ng kendi, dahil piso na ito kada piraso. Isa sa mga bagay na kinaiinisan ko samin. Nung estudyate pa ako, limitado lang kaming estudyante ang pwede sa jeep. Pag pang-lima ka, may dalawa kang option- wag na lang kunin ang discount mo o di kaya ay bumaba at makipag-unahan sa susunod na sasakyan. Naalala kong ilang complaints na ang pinadala namin sa LTFRB pero hanggang sa ngayon ay wala pa ding aksyon akong nakikita. Ewan ko tuloy kung natrapik ba yung reklamo namin o talagang tamad lang sila.

Makalipas ang ilang minuto, napuno din ang tag-labing limahang jeep. Inisip ko tuloy kung lugi pa ba sila sa kanilang pasada. Fifteen times P27.50 tapos sama mo pa ung dalawa sa unahan. Tapos times mo sa kung ilan ang pasada nila sa isang araw. Hindi ko na inalam kung magkano dahil hindi naman ako ganon kagaling sa Math.

Mawawala na sana ang inis ko nang biglang natrapik kami sa kanto. Dagdagan mo pa ng biglaang pagsingit ng mobile ng pulis sa amin. Naalala tuloy ni Manong driver ung sinabi ni Pangulo na walang counter flow. Pero sa kinalalagyan namin, mismong tagapagpatupad ng batas ang numero unong sumasaway dito. CALOOCAN POLICE- ang nakasulat sa likod ng mobile. Dayo na nga lang sa lugar, sila pa ang mayabang. Wala na kaming nagawa nang humarurot palayo samin ang mobile, sabay sabi ni Manong Driver na, "kaya mahirap pagkatiwalaan ang pulis eh. Mapagkakatiwalaan mo ba yung mga ganyan?".

Makalipas ang kalahating oras ay nakarating din ako sa Monumento. Masasabi kong namiss ko ang urbanidad dahil sa isang buwan na din mula nang huli tumungtong ako dito. Sumakay ako ng LRT patungong Central Terminal. Habang papaakyat ako eh dahan- dahan saking bumabalik ang mga alaala ng nakaraan. 
Tandang- tanda ko pa at naranasan ko pa ang pagsakay ko sa LRT noong mga panahong hindi pa ito aircon. Isama mo pa ang pisong pamasahe mula Blumentritt hanggang sa Monumento. Noon, maski mainit ay marami na silang paprokyano. Ngayon, masasabi kong mas dumami pa ito. Naisip ko tuloy kung tunay bang nalulugi ito. Gayong airconditioned na ang tren. Isama mo pa ang mga offices ng mga kawani nila na airconditioned na din. Gusto ko tuloy malaman kung magkano ba ang kinikita ng LRT and MRT gayong wala namang ibinibigay sa iyong resibo kapag bumibili ka ng tiket nila. Isama mo pa ang kita ng advertisements sa loob ng tren at stations nila. Hindi pa kasama diyan ang mga food carts at loading stations na nag-o occupy ng space sa stations nila. Kung ikaw ang tatanungin ko na bumabasa nito, nalulugi ba o sa tingin mo ay may mahikang nangyayari sa loob ng pamunuan nila?

Wag naman sanang itigil ng gobyerno ang pagsubsidize sa LRT at MRT. Base sa kasaysayan, mula ng bitawan ng gobyerno ang industriya ng elektrisidad sa ating bansa at ang industriya ng langis ay nagsimula ng lumobo at magmahal ang presyo nito. Wag naman sanang idamay pati ito.

Unti- unting napuno ang tren. Makalipas ang mahigit kinse minuto ay nakarating na din ako sa Central. Terminal. Tumawid ako ng kalsada at tinungo ang opisina ng Department of Education, Manila. Binisita ko agad ang records section. Agad kong tinungo si Mam na minsan mabait at minsan naman ay masungit. Binati ko muna ng "Good Afternoon po" na sinamahan ng sinseridad na ngiti. Ngumiti din siya at tinanong kung anong pakay ko.

"Uhmm.. ask lang po sana ako ng update po sa School Assignments."
" Sang school ka ba nag-apply?"
" Sa MLQ po."
" Pang anim ka pala. Wala pa din eh. Pero malapit na yan."
" Ganon po ba? Sige po. Salamat na lang po!"

Anim na buwan na mula nang nag-pasa ako ng application. Matagal tagal na din mula nung lumabas ung results pero hanggang sa ngayon wala pa din akong assignment. Sabi nila, wala daw kasing pampasahod sa mga bagong teachers. Ang irony nga naman. Sasabihin nila na kulang tayo ng guro pero pag nag-apply ka naman eh pahirapan din. Maraming bakante pero walang perang pampasahod. Mabuti pa ang Barangay Captain, mas mataas ang sahod sa mga guro. Sitting pretty sa office nilang kuntodo aircon. Buti pa ang pulis at sundalo, tinaasan na ang sahod. May mga malakas mangotong, may mga kurap at may mga libreng housing pa. Andaing benepisyo. Ayan na binigay na ang gusto niyo, wag na sana kayong magkudeta.

Inisip ko tuloy ngayon kung mag-resign din kaya mga teachers at bakantihin ang lahat ng eskwela tulad ng ginawa ng mga piloto ng PAL, mapapansin na kaya ang kanilang hinaing? Kung sapat ang benepisyo ni Ma'am at ni Sir, siguro wala ng saleslady o di kaya'y mini-tindahan ang mga guro natin.

Iniisip niyo siguro kung madami akong sentimiento sa pagiging guro, e bat un ang kinuha ko? Ang sagot ay ewan ko. Sabi nga nila- sa pamilya niyo, may magmamana't magmamana ng trabaho na nagpapakain sa inyo. Hindi ko pinili ang pagtuturo, ang pagtuturo ang pumili sa akin.

Sinabi ko na lang sa sarili ko, magtuturo ako sa pampublikong paaralan dahil isa akong produkto ng pampublikong paaralan. Kaya tama lang sigurong ibalik ko sa gobyerno ang nakuha kong yaman sa kanya. Sumusulat ako ngayon dahil sa ganitong paraan ko pedeng iparating ang aking mga hinaing, na hinaing din ng ina kong guro din at ng mga gurong nakasalimuha ko sa mahabang panahon. 

1 comment:

tabitha said...

galing..nice one!!!
sana naman bigyan na ng pansin ang mga hinaing ng teachers ngyong bago na ang presidente..hindi puro sundalo and binibigyan ng importansya..mga takot kcing makudeta at mapatalsik.

Powered By Blogger

Nuffnang