Pages

Wednesday, June 30, 2010

V.I.P.


Pagkakaisa at makabayang damdamin ang nangingibabaw sa isa't-isa. Ang iba naman ay emosyonal. Nagkalat ang mga plakards at banner na nagsasabi ng "Pagbabago...". Marami ding nagtitinda ng mga memorabilia at souvenirs. Nagkalat ang mga pulis at media. Makulimlim ang kalangitan. May helicopter, confetti at nagkalat ang mga taong nakasuot ng kulay dilaw. Ilan lang iyan sa mga kaganapang kapansin-pansin ngayon sa Luneta.

Sandamukal na tao ang dumagsa sa Luneta, partikular na sa grandstand upang saksihan ang makasaysayang pangyayari sa bansa. Samu't-saring tao na mula sa iba't-ibang antas ng lipunan. May bata, matanda, babae, lalake, mayaman, mahirap at saka mga artista. Bawat isa ay may lugar na kinalalagyan.

Bagamat nagkakaisa sa pinagdiriwang ay kitang-kita ang isang partikular na bagay na hindi kayang maikubli ng selebrasyon.

"Sir, bawal po kayo dito. Pang V.I.P. lang po ang lugar na ito." ang sabi ng gwardiyang nakaputi.

"V.I.P.? Bat hindi kami pwedeng pumasok, samantalang sila naman pwede?" ang sagot ng matanda.

"Lolo, V.I.P. po. Ibig sabihin mga importanteng tao lang po ang pwede dito. Dun po kayo banda sa baba ng grandstand." ang sagot ng guwardiyang may tonong pagkayamot. Agad niyang kinuha ang kanyang radyo at sinabihan ang mga kasama.

"Ano ba yan? Panong nakapasok yan dito? Malalagot tayo niyan eh. Dalhin niyo na sila Lolo sa baba bago pa siya mapansin dito." ang sabi ng isa pang guwardiya.

Wala nang nagawa si Lolo Vicente kung hindi sumuko at sundin ang sinabi ng gwardiya. Kahit nainis siya sa sagot nito ay hindi pa rin nawala ang ngiti sa kanyang mukha. Para sa kanya espesyal ang araw na ito. Manunumpa kasi ang bagong Pangulo ng bansa. Ang unang Pangulong masasaksihan niyang manumpa at marahil ang huli na din.

Sa edad na 70 ay aktibo pa din siyang sumasali sa mga pagdiriwang. Kasama ang apong si Baldo tinahak nila ang daan patungo sa baba ng grandstand habang ine-escortan ng mga guwardiya.

Pagdating sa hagdanan ay sabay dating ng ilan pang taong naka-uniporme. Apat na lalaking brusko ang pangangatawan, nakasuot ng puti, nakasalamin at may nakasubwit na animo'y wire sa kanilang mga tenga. Hinawi nila sina Lolo Vicente at Baldo upang bigyang daan sila Congressman, Senator, Businessman, at iba pang V.I.P..

"Lolo, bakit po tayo pinaalis? Dahil po ba sa mga suot natin?" tanong ni Baldo.

Mga naka-barong, Filipiniana, tuxedo at kung anu-ano pang magagarang damit ang bumalandra sa kanila pagdating sa ibaba papasok sa lugar ng mga VIP. Samahan mo pa ng mga naglalakihang dyamante at alahas. Hindi na nakakapagtaka kung bakit ito naitanong ni Baldo. Kumpara nga naman kasi sa suot nila ni Lolo Vicente na t-shirt, maong at tsinelas.

"Naku, hindi apo noh. Walang kinalaman ang suot natin. Bawal kasi tayo doon." sagot ni Lolo Vicente.

Pagdating sa baba ng grandstand ay tinanaw ni Lolo Vicente ang kumpol ng mga tao na mistulan ng dagat na dilaw.kung saan sila pupuwesto. Tinignan niya kung may lugar ba para sa mga katulad niyang senior citizen, na agad namang nasagot ng wala. Sinabihan niya ang apo na maghahanap sila ng magandang puwesto para makapanood sila ng maayos.

"Bakit po sila pwede dun, samantalang tayo bawal? Mas maganda dun lolo. Hindi masikip, may mauupuan tayo saka may lilim pa kung sakaling umulan. Samantalang dito siksikan at ang daming tao." ang nasabi ni Baldo na may halong pagkalito.

"V.I.P. lang daw kasi yung pwede dun." sagot ni Lolo Vicente sa usisa ng apo.

"V.I.P.? Ano po un?" usisa ulit ng makulit na si Baldo.

"Ang V.I.P. apo eh ung mga taong importante daw." sagot ni Lolo Vicente sa apo.

"Gano po kaimportante?" tanong niya ulit.

"Importante. Pag ikaw ay mahalaga para sa ibang tao, V.I.P. ka." ang sagot ni Lolo Vicente.

"Eh di puwede po pala tayo dun eh.V.I.P. din naman po kayo, saka sila nanay at tatay!" tanong ulit ni Baldo.

"Bakit mo naman nasabi iyon?" ang usisa naman ni Lolo Vicente.

"Kasi importante po kayo sa akin. Pati po sina Nanay at Tatay. Ganon din po kayo kasing-importante para kina Ate at Kuya. So V.I.P. din po kayo. Wala naman po palang halos pinagkaiba sa kanila." inosenteng sagot ni Baldo.

Pinagmasdan ni Lolo Vicente ang paligid. Sa nakikita niya bigla niyang natanong sa sarili. 

"Gano nga ba talaga ka-importante ang mga katulad namin?" 

Sa nakikita niya kasi parang mahirap tanggapin ang kasagutan. 

"Sa panahong iyon, boto lang ba ang mahalaga sa amin? Hindi kasi ito ang inaasahan kong selebrasyon. Wala ang inaasam kong pagkakapantay- pantay." ang mga katagang nasabi niya sa sarili.

Tinignan niya ang apo sa mata. Ngumiti siya at sinabing-

"Lika na Baldo, uwi na lang tayo."

-end-


Author's note:

Wala po akong grudge sa bago nating Pangulo. Hindi ko lang nagustuhan ang sistema na nasasaksihan ko. Ang selebrasyong ito ay para sa Sambayanang Pilipino at sa tagumpay na nakamit natin ng isinagawa natin ang Demokrasya at nang inihalal natin ang sa tingin natin ay karapat-dapat na mamuno sa  bansa. Hindi ba dapat lahat naman tayo ay ituring na V.I.P. dahil tayo din naman ang naglagay sa kanila sa kinalalagyan nila ngayon?

3 comments:

tabitha said...

tama! totoo talaga! shobiz na kasi..hayhay!

PadrePio said...

nagustuhan ko ang katha mo, kaibigan. ngunit kung iyong mamarapatin ay nais ko lang sanang magbigay ng aking kuro-kuro hinggil sa paksang iyong iniungkat. ang karanasang inilahad mo ay, sa aking palagay, hindi naman sasalamin sa magiging uri ng pamamalakad ng ating bagong halal na Pangulo at sa gobyernong kanyang pamumunuan. Sa ganang akin, sana'y bigyan muna natin ng karampatang panahon ang ating Pangulo na maipakita ang kanyang kayang gawin para sa ating bayan.

Sire Je said...

Salamat sa pagdaan Padrepio!

Isang malaking karangalan na napuna mo ang aking akda gayong ako ay isang masugid mong tagahanga.

Ang punto ko lang po sana sa aking akda ay batikusin ang sistema ng inagurasyon. Na kahit nagkakaisa ang diwa ay di mo pa din maikakaila ang katotohanang magkaiba pa din ang antas ng mayaman sa mahirap na malinaw na naipakita sa pagka-kluster sa mga nagsipagdalo nito. Isang punto itong sana'y masolusyunan pagdating ng panahon.

Powered By Blogger

Nuffnang