Pages

Friday, June 25, 2010

Ulan


"Kuya, puwedeng pasukob?" ang bungad sa akin ng isang binibini habang naglalakad ako papunta ng terminal ng jeep. Mukha naman siyang mabait kaya pumayag na din ako. Dahil don bumagal ang paglalakad ko. Para akong escort sa sagala na dapat alalayan ang aking kapareha. Kulang na lang umulan ng fireworks pero sa sitwasyon namin ngayon,umuulan na nga- malakas at napakalalaking mga patak ng ulan.

Maulan ng araw na iyon. Nakapagtataka gayong sinabi naman sa balita na magiging maaraw. Mukhang papasok na ang buwan ng tag-ulan. Buti na lang nagdala pa din ako ng payong. Dahil don hindi ako nabasa. Mabuti na yung laging handa.

Kahit kelan talaga ayaw ko ng ulan- ang makulimlim na langit, basa, baha, putik at sari-saring sakit na makukuha dito tulad ng dengue at leptospirosis. Ang kinaganda lang eh ang pagsususpinde ng klase lalo na kung may bagyo. Ngunit dahil isa na akong accountant, matagal-tagal ko nang di na-eenjoy yun.

Pagdating namin sa kanto ay mas lumakas pa ang ulan, kaya napagpasyahan naming sumilong na lang muna sa kalapit na donut shop.
Doon ko unang napagmasdan ang imahe ng nakisukob sa akin. Napakaganda niya. Napatitig ako sa kanya ng matagal, pinagmasdan. At ngiti ang unang binungad niya sa akin.

"Salamat po ah!" wika ng binibini.
"Naku wala po un." ang nasagot ko.

Di pa din ako makapaniwala. Parang isang eksena sa pelikula ang kinalalagyan ko. Binuksan ko ang aking bag at iniabot sa kanya ang baon kong face towel.

"Naku wag na po. Nakakahiya na masyado."
"Ok lang. Basang-basa ka kasi eh. Saka basa na din yang pinangpupunas mong panyo. Baka magkasakit ka niyan, sige ka."

Dahil sa words of encouragement ko ay bumigay din siya at kinuha ang aking face towel.

Sa kinalalagyan namin eh mukhang ayaw pang magpatalo ng ulan at nilakasan pa nito lalo. Kaya napagpasyahan namin sa loob na lang ng shop antayin ang paghina nito. Umupo kami sa isang bakantang pwesto.

"Bat kasi wala kang payong? Nabasa ka tuloy." ang usisa ko.
"Di ko naman kasi inakalang uulan ngayong uwian gayong maaliwalas naman ung panahon kanina." ang sagot niya.
"Ahh." ang nasabi ko.

Katahimikan.

Nagkatinginan kami na agad din naming iniwas sa isa't-isa. Unti-unting namumuo sa isipan ko ang isang malaking problema. Pano ko kaya siya makikilala? Kailangan kong gumawa ng paraan.

Tumayo ako't pumunta sa counter para umorder. Ilang pirasong donut at dalawang mainit na tsokolate.

"Kain muna tayo. Tutal mukhang matagal pa bago humina yan." ang alok ko sa kanya.

Tinanggihan niya ang alok ko.

"Wag kang mag-alala. Di ko nilagyan ng anumang bagay yan. Wala yang pampatulog o di kaya'y lason." ang sabi ko.

"Saka mabait naman akong tao. Eto ID ko at NBI Clearance para di ka matakot." ang dagdag ko.

Kinuha niya at tinignan niya ng mga ilang minuto. Pagkatapos ngumiti na din siya.

"Salamat King ha." ang sabi niya.
"Pano mo nalaman pangalan ko?" pagtataka ko.

Itinaas niya ang kilay niya habang sabay na itinataas ang hawak niyang ID at NBI Clearance.

"Oo nga pala. Hehe." ang sabi ko.
"Ako nga pala si Anne." ang sabi niya habang inaalok ang kamay niya sakin.

Pinunasan ko muna ang kamay ko at nakipagkamay sa kanya.

"King, ulet." ang sabi ko.

Napangiti ang loob ko. Tagumpay ang plano kong makilala siya.

Maganda si Anne. Mahaba ang kanyang buhok. Maputi at may katamtamang tangkad. Maganda ang kanyang katawan na pansin dahil medyo kumapit ang damit niya dito mula sa pagkakabasa sa ulan. Isang babaeng wala ka ng hahanapin pa.

At dahil medyo palagay na kami sa isa't-isa eh napagpasyahan naming magkwentuhan muna para hindi mainip. Mula kababawan hanggang kalaliman ng buhay napag-usapan namin. Doon ko din nalaman na isa pala siyang guro. Kaya pala parang pamilyar ung uniporme niya.

Unti-unti ko siyang nakilala habang unti-unting nauubos ang tsokolate at donut na kinakain namin. Habang sa labas naman ay unti-unting umaaliwalas ang panahon at unti-unting humihina ang pag-ulan. Samantalang ang loob loob ko ay nananalangin ng dagdag na oras pa upang makasama siya. Hanggang sa tumayo siya at nagpaalam.

"Mukhang tumila na. So ano? Mauna na ako? Salamat ulit ah." ang sabi niya.

Napatungo na lang ako sa bilis ng mga pangyayari.

"Ingat ka ah! Nice meeting you." ang naisagot ko na lang.

Sa unang pagkakataon mas ginusto kong umulan pa kesa sa tumila ito. Hindi ko alam kung magiging ganito ulit sa susunod. Napagtanto kong habang nandiyan pa ang ulan eh enjoyin mo lang ito at baka sa susunod na hanapin mo ito e wala na. Dali-dali akong tumayo at lumabas ng shop. Binuksan ko ang aking payong at kinalabit si Anne mula sa likod.

"Hatid na kita."


-end-

2 comments:

tabitha said...

galing na talaga..so proud of you!

manong said...

mahusay tol... :)

Powered By Blogger

Nuffnang